MMDA nakahanda sa rally mamaya

NAKAHANDA ang pamunuan ng Meropolitan Manila Development Authority (MMDA) sakaling magkaroon ng pagbubuhol ng trapiko sa lansangan kaugnay sa ilulunsad na rally ng militanteng grupong KADAMAY ngayon.

Ayon kay MMDA chairman Atty. Francis Tolentino, nag-deploy na siya ng 800 traffic enforcer sa pangunahing lansangan, sakaling lumala ang sitwasyon sa daloy ng trapiko.

Ayon pa kay Tolentino sa oras na tumindi ang sitwasyon, hihingi na sila ng ayuda sa MMDA Civil Disturbance Control Management Team para sa pag-aayos sa mga raliyista.

Samantala, walang nakikitang banta sa seguridad ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) para sa gagawing malaking kilos-protesta ng mga militanteng grupo mamaya.

Naniniwala kasi si NCRPO Spokesman Senior Supt. Leonardo Carlos na ipinapahayag lang ng mga demonstrador ang kanilang sentimiyento sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis.

Gayunman, hindi naman nila isinasantabi ang mga posibilidad na magsagawa ng mga panghaharang sa kalye ang mga militante.

Binigyang diin pa ni Carlos na labag sa batas na harangan ang mga dadaanan ng mga motorista dahil isa itong obstruction at nilalabag din nito ang “peace and order.”

Nilinaw din ni Carlos na ang MMDA na ang bahala sa pag-aayos sa daloy ng trapiko habang sila naman ang mangangasiwa sa pagbibigay ng seguridad.

Una nang nagbanta ang KADAMAY na bukod sa mahabang human chain na kanilang ikakasa mamaya ay maglulunsad din sila ng metrowide synchronized noise barrage na sisimulan sa west bound lane ng Edsa sa North Triangle, Quezon City.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply