Nakatulo (n)g

SA unang bahagi ng taon, maraming mga tao ang naghahanap ng trabaho kaya’t  marami rin ang kumukuha ng police clearance at National Bureau of Investigation clearance bilang requirements na hinihingi ng kanilang nais na pag-aplayan bilang patunay na malinis ang kanilang pagkatao.

Halos araw-araw, maliban kung walang pasok, ay nakikita sa Quezon City Hall Compound ang ilan sa mga mamamayan ng lungsod na nakapila sa kuhanan ng nasabing clearances. Punong-puno ng tao ang lugar na kapag inunawa mo ay kawalan ng trabaho ang dahilan.

Subalit ang hindi maganda ay ang ilang tiwaling empleyado ng gobyerno na sinasamantala ang kawalan ng kaalaman ng mga kumukuha ng working permit.

Ginagawaan nila ng paraan kung paano magkapera sa mga kawawang naghahanap ng trabaho upang mabuhay nang marangal.

Walang problema kung ang pinagkakaperahan nila ay mga negosyante na talagang naghahatag para lang makakuha ng permit para sa kanilang mga negosyo pero ang mga kawawang naghahanap ng trabaho ay hindi na nila dapat niloloko.

Isang halimbawa ng panloloko ng isang empleyado con fixer ay ang pag-aabot ng undertakings o papel na nagsasaad na naikuha na ang tao ng police at NBI clearance subalit pinoproseso pa ito. Kailangan ng isang taong naghahanap ng lokal na trabaho ang working permit. Bago siya makakuha nito ay kailangan ang police o NBI clearance. Ang undertaking ay nagkakahalaga ng P50 hanggang P100.

Sa madaling salita, nadodoble pa ang gastos ng taong kumukuha ng working permit dahil sa undertakings na ito. Dapat dumiretso na kaagad sa pagkuha ng police at NBI clearance.

Isang nabiktima ng fixer na nag-abot ng undertaking ang halos maiyak dahil hindi na nga siya halos nagtanghalian para lang ma-kakuha ng working permit kaso nabiktima pa siya ng fixer. Wala na raw siyang pangkuha ng police clearance.

Kaya dinala ng inyong lingkod sa hepe ng QC Police Clearance na si Sr. Insp. Manolo Refugia ang naghahanap ng trabaho.

Nakatutuwa at nasa labas ng kanyang tanggapan ang nasabing hepe upang mabisitahang mabuti kung walang problema ang mga kumukuha ng clearance sa kanyang tanggapan. Inistima ni Refugia ang nabiktima ng fixer. Bukod sa pinagmeryenda na, hindi pa nito pinagbayad ang tao at siya na lang ang nag-abono.

Nakatulong si Refugia sa isang nilalang. Nakatulog na ang biktima dahil nabigyan na siya ng police clearance. Ngayon, nakatutulog kaya ang mga taong sa halip na makatulong sa mga nangangailangan ay sinasamantala pa nila at pineperahan?

Kung si Mayor Herbert Bautista ang tatanungin, ayaw na ayaw niyang pinagsasamantalahan ang mga maliliit na tao dahil ayon nga sa kanya ay marami siyang kamag-anak na nasa ibaba at nakikipagsapalaran sa buhay. Kaya naman, para makatulong at makatulog si Bistek, kailangang alisin ang problema.

Kailangang maimbestigahan ang bagay na ito, maaresto ang mga manloloko at ginagamit pa ang gobyerno.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan  ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari   kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply