NGO ‘front’ ng Hapon sa pag-recruit ng entertainers

GINAMIT ng isang Japanese national bilang ‘front’ ang isang non-government organization ng mga Filipinong may dugong Hapon upang makapangalap ng mga entertainer patungong Tokyo nang walang kaukulang working visa.

Gayunpaman, natigil din ang raket sa Pilipinas ni Teruaki Nasu, 61 anyos, matapos maaresto ito ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa tinutuluyang tirahan sa San Pedro, Laguna noong Marso 8.

Batay sa impormasyon mula sa Japanese embassy, pinaghahanap ng Omiya Summary Court sa Saitama Prefecture si Nasu matapos na takasan nito ang asuntong paglabag sa Japan Immigration and refugee recognition law at pamemeke ng dokumento.

Nagpalabas ang nasabing korte ng ‘warrant of arrest’ laban kay Nasu noong Agosto 10, 2011, na tinakasan ng dayuhan at nagtungo sa Pilipinas noong Nobyembre 27, 2011 bilang turista.

Kinansela rin ng pamahalaang Japan ang ibinigay na pasaporte kay Nasu dahil sa pagiging pugante kaya idineklara itong undesirable alien ng kawanihan.

Sa isinagawang imbestigasyon, ginamit ni Nasu ang isang non-profit organization, ang Apple Tree, bilang ‘front’ na tumutulong umano sa mga Filipino-Japanese (Fil-Jap) upang makapunta sa Japan at makapagsampa ng kaso at humingi ng danyos sa kanilang mga amang Hapon.

Sa sandaling makarating sa Japan ang mga Fil-Jap bilang mga turista, ipapasok ito ni Nasu bilang mga ‘entertainer’ sa isang nightclub na pag-aari ng isang Yoshimasa Matsuoka sa Gyuda City sa Saitama Prefecture.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply