NGO front ng Hapon sa pagre-recruit ng Pinay entertainers

BUKING ang operasyon ng isang Japanese national nang gamiting ‘front’ ang isang non-governmental organization ng mga Pilipinong may dugong Hapon upang makapangalap ng entertainers patungong Tokyo nang walang kaukulang working visa.

Gayunpaman, natigil din ang raket sa Pilipinas ni Teruaki Nasu, 61, matapos maaresto ng operatiba ng Bureau of Immigration (BI) kamakailan sa tinutuluyang tirahan sa San Pedro, Laguna noong Marso 8.

Sa impormasyon mula sa Japanese embassy, pinaghahanap ng Omiya summary court sa Saitama Prefecture si Nasu matapos takasan ang asuntong paglabag sa Japan immigration and refugee recognition law at pamemeke ng dokumento.

Nagpalabas ang nasabing korte ng ‘warrant of arrest’ laban kay Nasu noong Agosto 10, 2011, na tinakasan ng dayuhan matapos magtungo sa Pilipinas noong Nobyembre 27, 2011 bilang turista.

Kinansela rin ng pamahalaang Japan ang ibinigay na pasaporte kay Nasu dahil sa pagiging pugante kaya idineklara siyang undesirable alien ng kawanihan.

Sa imbestigasyon, ginamit ni Nasu ang isang non-profit organization, ang Apple Tree, bilang ‘front’ na tumutulong umano sa Filipino-Japanese (Fil-Jap) upang makapunta sa Japan at makapagsampa ng kaso at humingi ng danyos sa kanilang mga amang Hapon.

Sa sandaling makarating sa Japan ang mga Fil-Jap bilang mga turista, ipapasok ito ni Nasu bilang ‘entertainer’ sa isang nightclub na pag-aari ng isang Yoshimasa Matsuoka sa Gyuda city sa Saitama Prefecture.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply