Nuclear technology panggamot sa sugat at paso

HINDI lamang sa paggawa ng armas, paglikha ng kuryente at sa paglikha ng superheroes sa komiks mapapakinabangan ang siyensiyang nukleyar sapagkat nadiskubre ng isang siyentipikong Pilipino na may iba pa itong gamit.

Napag-alaman na halos ginugol na ni Dr. Lucille V. Abad, Supervising Science Research Specialist sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), ang kanyang buong karera sa pag-aaral ng iba pang praktikal na gamit ng teknolohiyang nuclear.

At noon ngang 2000, nakagawa siya ng patch na radiation-treated at nakakapagpagaling ng sugat at paso.

Sa tulong ng kanyang grupo sa PNRI, nakalikha si Dr. Abad ng hydrogel dressing na gawa sa polyvinyl pyrollidone (PVP), isang synthetic polymer, at carrageenan, isang natural polymer na nakukuha sa seaweed na uri naman ng algae na nagmumula sa karagatan ng Pilipinas.

Ginamit ni Dr. Abad ang gamma radiation para pagsama-samahin ang mga polymer chains at ma-sterilize ang kanyang produkto.

“The use of radiation may scare some people, but we assure them that the product is completely safe to use,” ani Abad.

Nasa anyong transparent sheet ang hydrogel na may tatlo hanggang apat na milimetrong kapal at nagtataglay ng 90% tubig. Dahil mamasa-masa ito, mainam ito bilang pantapal sa paso, sugat at bedsores para mas mabilis at ligtas sa impeksiyon ang proseso ng pagpapagamot.

Batay pa sa isinagawang mga test sa burn patients, kasing epektibo ng PVP-carrageenan hydro gel ang kasalukuyang ibinebentang burn dressings sa pamilihan at sapagkat transparent ito, makikita ng mga manggagamot ang proseso ng paggaling ng sugat.

Mas mura din ang hydro gel ni Dr. Abad kung ihahambing sa mga hydrogel dressings na nabibili sa bansa, kung kaya, magandang balita ito para sa mga taong nasa propesyong may kaugnayan sa paglalaan ng serbisyong medikal.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply