OFWs inasahan na ang desisyon ng HK CoA

HINDI na ikinagulat ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong ang desisyon ng HK Court of Appeals na baligtarin ang naunang pasya ng Court of First Instance na bigyan ng karapatan ang mga dayuhang Household Service Workers (HSWs) na legal na manirahan sa nasabing bansa.

Ayon sa Filipino Migrant Workers’ Union, inasahan na nila na papaboran ng bansa na mapangalagaan ang sarili nitong interes.

Gayunpaman, naniniwala pa rin ang samahan ng mga OFW sa HK na hindi pa tapos ang laban para sa kanilang karapatan na magkaroon ng residency status dahil maaari pa ring iapela ang kaso sa HK Final Appeals at sa National People’s Congress ng pamahalaang China.

Ang People’s Congress na nakabase sa Beijing ay may kapangyarihang rebisahin at magbigay ng kahulugan sa batas ng pandarayuhan ng China.

Sa kanyang 66-pahinang desisyon na inilabas noong Miyerkules, sinabi ni Judge Andrew Cheung batay sa pandaigdigang prinsipyo ng batas, may kapangyarihan ang isang malayang bansa na tanggapin, huwag tanggapin at ibalik sa pinanggalingan ang mga dayuhang bumisita sa kanyang bansa.

Naunang sinubukan ang pagiging liberal ng sistema ng batas sa HK nang maghain si Pinay OFW Evangeline Vallejos ng petisyon sa korte na bigyan ng karapatang manirahan sa islang dating sakop ng Inglatera.

Pumanig naman ang HK’s Court of First Instance sa apela ni Vallejos at nagsilbi ito bilang isang magandang pagkakataon para sa mahigit 300,000 dayuhang HSW na maging legal ang paninirahan matapos makapaglingkod ng anim na taon sa islang lungsod.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply