OFWs mula Syria nakauwi na ng bansa

BALIK-BANSA na ang ika-28-batch ng overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Syria na kinabibilangan ng itinuturing na bayani ng mga Pinoy doon matapos nagpasailalim sa inialok na mandatory repatriation ng gobyerno dahil sa lumalang kaguluhan sa naturang bansa.

Kaninang alas-4:10 ng hapon nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Etihad Airways Flight EY 424, lulan ang OFWs  mula sa nabanggit na bansa na patuloy pa ring nasa ilalim ng matinding kaguluhan.

Sinalubong naman ng mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang umuwing OFWs at kaagad silang tinulungan sa pagsasaayos ng kanilang mga papeles sa immigration at customs upang maging madali ang proseso

Agad na dinala ng OWWA officials sa kanilang punong tanggapan sa Pasay City ang OFWS upang  doon muna pansamantalang manatili hanggang sa mapauwi na sa kani-kanilang pamilya sa kanilang lalawigan.

Sa ulat ng OWWA, aabot na sa 1,097 OFWs ang napauwi ng pamahalaan sa pamamagitan ng repatriation program sa Syria na nasa ilalim ng level 4 alert crisis.

Sinabi ni OWWA Administrator Carmelita Dimzon na katuwang nila ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagsasagawa ng mga proyektong makatutulong sa mga kababayan nating balikbayan na makapagsimula ng maayos na pamumuhay sa Pilipinas.

Kaugnay nito, aminado naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) na malaki pang bilang ng OFWs ang kailangang mailikas sa Syria dahil sa kaguluhang nararanasan doon.

Sa ngayon hirap ang pamahalaan na mapauwi ang marami sa kanila dahil karamihan ay hindi pinapayagan ng kanilang mga employer na magkaroon ng exit visa pabalik ng Pinas.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply