Oil Deregulation Law dapat alisin — obispo

NAPAPANAHON nang i-repeal o alisin ang Oil Deregulation Law.

Ito ang mungkahi ni Pampanga Auxiliary Bishop Roberto Mallari, kasunod na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa at bunsod na rin ng ikinasang transport caravan ngayong araw.

Ayon kay Mallari, matagal na ang Oil Deregulation Law na nagdulot ng limpak-limpak na kita sa mga kumpanya ng langis habang ang mga ordinaryong mamamayan ang pumapasan ng krus.

Isa aniya sa mga epekto ng Oil Deregulation Law ay pagtaas sa presyo ng langis at ang pagkakaapruba ngayon ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng dagdag na 50-sentimos sa pasahe.

Naniniwala si Mallari na kung mare-regulate ang oil industry sa bansa ay maiibsan ang pasanin ng mga mahihirap na komuyter at mabawasan umano ang pagiging ‘ganid’ ng malalaking kumpanya ng langis.

Iginiit pa ng obispo na kailangang pagsilbihan ng batas ang interes at kapakanan ng mga mahihirap kaysa sa benepisyo ng mga kumpanya ng langis sa bansa.

Suportado din naman ng obispo ang panukalang alisin na ang 12% value added tax (VAT) na sinisingil sa mga produktong petrolyo para bumaba naman ang halaga nito.

Binigyang-diin pa ng obispo na habang patuloy sa pagtaas ang presyo ng langis ay magpapatuloy din ang transport strike na nakakaapekto sa kabuhayan ng maraming mamamayan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply