Oil price freeze hirit ng DoE sa oil companies

HUMIRIT ang pamunuan ng Department of Energy (DoE) sa mga kompanya ng langis na huwag nang magpatupad ng panibagong pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo sanhi ng napakaliit na pagsirit ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Ayon kay DoE Undersecretary Zenaida Monsada ng Oil Industry Management Bureau, bagamat tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan noong nakaraang linggo, tatlong sunod na araw namang bumaba ang halaga nito, subalit bago magsara ang kalakalan nitong Biyernes ay bahagya pang tumaas.

Sinabi ni Monsada na mas mababa pa sa P0.25 sentimos ang inaasahang itataas ng presyo ng kada litro ng mga produktong petrolyo kaya kakausapin nila ang mga kompanya ng langis na huwag na lang magpatupad ng price adjustment.

Nilinaw din ni Monsada na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa napaulat na posibleng umabot ng hanggang P60 kada litro ang presyo ng gasolina matapos tanungin siya sa level ng halaga ng gasolina noong 2008.

Ayon kay Monsada, ang P60 kada litro na sinasabi niya ay ang inabot na level sa presyo ng gasolina noong 2008 kung saan tumindi ang kaguluhan sa Gitnang Silangan partikular ang nangyaring giyera sa Iraq.

Aminado ang DoE na ang mainit pa ring tensiyon sa Gitnang Silangan, ang dahilan kaya tumataas ang pangangailangan ng malalaking bansa sa produktong petrolyo at ang limitadong produksiyon ng langis ang ugat ng pagsirit ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.

Umaasa naman si Monsada na sa oras na matapos ang gusot sa mga bansa sa Gitnang Silangan, posibleng muling bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply