P.1-M gastos ng gobyerno kay CGMA

MAHIGIT na sa P.1 milyon ang nagagastos ng pamahalaan sa patuloy na pananatili ni dating pangulo, ngayon ay Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo mula nang isailalim sa hospital arrest sa Veterans Memorial and Medical Center (VMMC) noong Disyembre, nagdaang taon.

Ito ang lumabas sa isinumiteng report ng VMMC kahapon ng hapon sa sala ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Jesus Mupas ng Branch 112 matapos ihabol ng pamunuan ng VMMC at ng attending physician ni Gng. Arroyo ang huling araw na itinakda ng korte kaugnay sa hinihinging medical report at halaga ng nagugol sa kanyang pananatili sa naturang pagamutan.

Ayon kay Felda Domingo, tagapagsalita ng Pasay RTC Branch 112, nagawang naihabol kahapon ng hapon ng VMMC ang hinihinging medical report na dapat ay noon pang Pebrero 9 nila isinumite subalit pinagbigyan ni Judge Mupas ang kahilingan na palawigin pa hanggang Maro 26.

Nauna nang naghain ng manifestation noong Marso 20 ang Commission on Election (Comelec) sa pangunguna ni Atty. Maria Juana Valeza sa korte kaugnay sa hindi pagtalima ng VMMC na maisumite ang hinihinging buwanang medical report at nagagastos ng gobyerno sa pagsasailalim sa hospital arrest ng dating pangulo.

Nais malaman ng Comelec ang tunay na kalagayan ng kalusugan ni Gng. Arroyo dahil dito nila ibabatay ang kanilang hirit na mailipat na sa regular na kulungan ang akusado na nahaharap sa kasong electoral sabotage.

Nakasaad naman sa isinumiteng report ni Dr. Rafaelita Javier, pinuno ng VMMC Department of Rehabilitation Medicine na kinakailangang ipagpatuloy ang pagsasailalim kay Gng. Arroyo sa physical theraphy mula Lunes hanggang Biyernes sanhi ng patuloy na pananakit ng kanyang likod at leeg.

Sa naturang report, nakalagay din na umabot na sa P65,535,43 ang nakonsumo sa kuryente at tubig sa tinutuluyang presidential suite si Gng. Arroyo habang nasa P52,547 naman ang dapat nang bayaran sa inookupang silid, kabilang na rito ang ipinainom sa kanyang mga gamot.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply