Paalaala sa taxi operators

NAKATATABA ng puso ang pagmamalasakit ng Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA) sa mga drayber ng mga miyembro nang magpahayag ito na kailangang itaas ang singil sa mga taksi upang tumaas naman ang kita ng huli.

Halos wala na raw kasing inuuwi ang mga ito sa pamilya. Mahirap naman talaga ang buhay at nakatutuwang isiping ang mga “amo” ay iniisip ang kapakanan ng mga taong nagtatrabaho para sa kanila.

Diumano ay hihilinging gawing P50 na ang flag-down rate imbes na P40 at dagdagan ng piso ang kasalukuyang P3.50 bawat 300 metrong pagbibiyahe ng taksi.

Kaya lang ay hindi pa nag-pepetisyon nang pormal ang PNTOA sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ayon sa ahensya. Wala umano itong basehan upang pag-usapan man lamang kung tataasan o hindi ang pasahe sa taksi.

Ang reklamo nga ng miyembro ng LTFRB board na si Atty. Manuel Iway, sa media lamang nila nakukuha ang impormasyong may ganitong intensyon ang samahan ng mga taxi operator.

Mahirap nga naman ang ganyan. Hindi naman magkukusa ang LTFRB na magtaas ng pasahe maging ng anomang pampublikong sasakyan. Takot lang nila sa mga reklamong tiyak na matatanggap mula sa mga tumatangkilik ng taksi.

Ang suhestiyon natin sa samahan ng mga taxi operator bilang mga kasama sa industriya ay agad isapormal ang petisyon upang gumulong na ang proseso para sa ninanais na fare hike sa mga taksi.

At sana, tiyakin ng mga taxi operator na kung sakaling matupad ang pangarap na binabanggit natin, ang mga drayber sana ang makikinabang.

Sila na ang nagsabing wala na halos naiuuwing kita ang mga ito sa kani-kanilang pamilya.

May mga natatanggap tayong reklamo mula sa ating mga kasamang taxi driver na ang mga operator lamang ang nakikinabang tuwing may pagtaas ng pasahe.

Hindi sila naaambunan man lamang samantalang sila ang bumabalikat sa tuwing may pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo, halimbawa.

Sa ganang akin, mayroon namang mga taxi operator na may puso para sa kanilang mga drayber, na siyang nagbabanat ng buto, nagpupuyat, sumusuong sa kadelikaduhan ng mga kalsada upang kumita ang taksi nila.

Sino pa ba ang magdadamayan kundi tayong magkakapatid sa iisang industriya, di ba?

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply