Paco Church temporary official church ng Archdiocese of Manila

ANG San Fernando de Dilao Parish Church sa Paco, Manila ang pansamantalang magiging opisyal na simbahan ng Archdiocese of Manila, partikular ngayong Mahal na Araw.

Ito ang inianunsyo ng Manila Archdiocese sa kanilang website kasunod na rin ng pagsasara ng Manila Cathedral, sa Intramuros, Manila, na sumasailalim ngayon sa ekstensibong rehabilitation.

Ayon sa pamunuan ng Archdiocese of Manila, napili ang Paco Church dahil sa laki nito, liturgical suitability, malawak na parking space at malapit ito sa Cathedral.

Kaugnay nito, inianunsiyo ng Archdiocese ang magiging schedule ng Paco Church ngayong Holy Week.

Sa Abril 1, Linggo ng Palaspas o Linggo ng Pagpapakasakit, ay magsasagawa ng pagbabasbas ng palaspas at prusisyon sa simbahan ganap na 7:00 ng umaga, na susundan ng isang Banal na Misa na pangungunahan mismo ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle.

Sa Abril 2 naman, Lunes Santo, at Abril 3, Martes Santo ay magsasagawa ng Parish Lenten Recollection ganap na 7:30 ng gabi at magiging speaker sina Fr. Carmelo Arada at Fr. Carlo del Rosario.

Magkakaroon naman ng Kumpisalang Bayan ganap na 7:30 ng gabi sa Abril 4, Miyerkules Santo.

Sa Huwebes Santo naman, Abril 5, 6:30 pa lamang ng umaga ay magkakaroon na ng morning prayers, na susundan ng Mass of Chrism pagsapit ng 7:00 ng umaga na pangungunahang muli ni Tagle.

Ang misa sa Huling Hapunan sa Huwebes Santo at Paghuhugas ng Paa ay idaraos naman dakong 5:30 ng gabi sa pangunguna ni Tagle na susundan ng Pagtatanod sa Banal na Sakramento dakong 7:00 ng gabi at Daang Krus na isasagawa ng 12:00 ng hatinggabi.

Dakong 3:00 ng hapon ng Biyernes Santo, Abril 6, isasagawa ang pagdiriwang sa Pasyon ng Panginoon sa pangunguna ni Tagle na susundan ng prusisyon ng paglilibing sa Panginoon ganap na 5:00 ng hapon.

Sa Abril 7, Sabado de Gloria, idaraos ang pagsalubong sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon dakong 8:00 ng gabi sa pangunguna ni Tagle at susundan ng prusisyon ng Salubong dakong 11:00 ng gabi.

Sa Abril 8, Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay magsasagawa ng regular na Sunday Mass schedule ganap na 5:00, 6:00, 7:00, 8:00, 9:00, 10:00 sa umaga at 5:00, 6:00, 7:00 naman sa gabi.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply