Paghahanda sa panahon ng sunog

SA PAGSAPIT ng panahon ng sunog ngayong tag-init, inilulunsad na naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang taunan nilang Fire Prevention Month ngayong Marso. Sa ganitong panahon, napakahalaga ng puspusang paghahanda at pagmamanman nating lahat upang maiwasan at lubusang mapangalagaan ang ating sarili at ari-arian laban sa mapanalantang epekto ng sunog.

Sa larangan ng “firefighting capability” o yung kapabilidad na labanan ang sunog, ang inyong Hukbong Dagat ay binigyan ng kakaiba at napakahalagang kakayahan upang labanan ang sunog lalo na sa loob ng mga barko nito. Ang sunog ang isa sa pinakamalalagim na bangungot para sa isang mandaragat at ang pagpuksa at paglaban dito ang kalimitang binibigyang pansin at prayoridad ng mga tripulante ng isang barko. Bunsod nito, nagkaroon ng partikular na “rating” o espesyalisadong mga atauhan ng Navy na binigyan ng sapat na pagsasanay at kagamitan sa paglaban sa apoy – ang “Damage Control (DC) Rating.”

Subalit ang inyong Navy ay mayroong kapabilidad sa paglaban sa sunog hindi lamang sa loob ng barko. Sa dami ng mga pasilidad ng Navy sa lupa, mayroon din itong limitadong kakayahang labanan ang sunog sa mga gusali ng isang kampo.

Dito nabibigyan ng kakaibang anyo ang mga DC. Sa ngayon, maigting ang pakikipag-ugnayan ng Navy sa mga lokal na yunit ng BFP at ang dagliang pakikipagsangguni sa pagitan ng Navy at BFP ang mangangahulugan ng malaking pagkakaiba sa pagitan ng isang kontroladong apoy at isang malawakang sunog.

Sa kabilang dako, hindi ang Navy lamang ang umaasa sa kakayanan ng BFP upang mapangalagaan ang mga pasillidad nito. Sa katunayan, kamakailan lamang ay nakapag-alay din ang mga miyembro ng Naval Base Cavite Fire Fighting Team ng agarang tulong sa isang sunog na naganap sa labas ng kampo nito. Makikita rito ang halaga ng pakikipagtulungan sa pagitan ng dalawang ahensya tungo sa pagtulong sa ating mga nasalantang kababayan.

Sa ganitong mga pagkakataon ay makikita ang kahalagahan ng bayanihan. Sa panahon ng higit na may panganib sa pagbugso ng sunog, napakaimportante ang pagkakaisa at pakikipagtulungan ng bawat isa sa atin upang maiwasan at malabanan ang sunog. Ang inyong Navy ay naniniwala na sa tulong ng mga kapatid nating Pinoy, kakayanin natin ito!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply