Paglaban sa HIV-AIDS tiniyak ng DOH

TINIYAK ng Department of Health (DOH) na ginagawa nila ang kanilang makakaya upang malabanan ang pagkalat ng HIV-AIDS infection sa bansa.

Ang pahayag ni Health Assistant Secretary Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ay matapos makapagtala ang Kagawaran ng biglaang pagtaas ng kaso ng sakit nitong Pebrero 2012.

Batay sa HIV/AIDS Registry, nakapagtala ang DOH ng 274 bagong kaso ng sakit nitong Pebrero, ang pinakamataas na bilang ng sakit na naitala ng sa loob lamang ng isang buwan.

Ang naturang bagong bilang ay mas mataas ng 72 porsyento kumpara sa 159 kaso na naitala noong 2011 sa kahalintulad na buwan.

Sinabi ni Tayag, na ngayong taon ay gumagastos ang DOH ng mahigit P315 milyon upang pondohan ang mga serbisyo at pamamahagi ng mga gamot upang malabanan ang HIV virus.

Lalo ring pinaigting ng DOH ang kanilang HIV-AIDS information campaign dahil sa patuloy na pagdami ng mga taong nahahawahan ng sakit.

Aminado rin ang DOH na dapat nang baguhin ang health care services sa bansa upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng HIV-AIDS infection.

Sinabi ni Tayag na ang mga kabataan, partikular ang mga nasa edad 15 hanggang 24-anyos ay kinakailangang mag-avail ng health services upang magabayan sila tungkol sa sakit.

Dapat ring maging responsable ang mga mamamayan kung nais nilang makaiwas na dapuan ng HIV-AIDS infection, ani Tayag.

Partikular na tinukoy ni Tayag ang mga taong ‘at risk’ o nanganganib na magkasakit dahil sa uri ng lifestyle at pag-uugali ng mga ito. Inihalimbawa ni Tayag ang mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki at mga taong nag-i-inject ng iligal na droga.

Naniniwala rin si Tayag na nakatutulong ang pamamahagi ng condoms sa mga tao upang makaiwas na mahawahan ng naturang sakit na walang lunas.

Umapela rin ang DOH sa Simbahang Katolika na unawain ang kanilang krusada upang mapigilang kumalat ang nakamamatay na sakit.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply