Pagpako sa krus ng mga bilanggo bawal na

NAGLABAS ng kautusan si Bureau of Corrections (BuCor) Director Gaudencio Pangilinan na ipagbawal na ang pagpapapako sa krus ng sinumang bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) at iba pang penal colony na nasasakupan ng kawanihan sa nalalapit na Semana Santa.

Ayon kay Pangilinan, maaari namang isagawa ng mga bilanggo ang ilang mga tradisyunal

na aktibidad sa tuwing sasapit ang Semana Santa tulad ng paglahok sa pabasa at bisita

Iglesia kaya hindi na kinakailangan pa ang pagpipinetensiya at paglatigo sa likod o pagpapapako sa krus.

Idinugtong ni Pangilinan na nais niyang maging payapa ang mga gagawing aktibidad sa panahon ng Kuwaresma sa loob ng pambansang bilangguan kaya hindi na kinakailangan pa na gayahin ang nangyaring paghihirap ng Panginoong Hesukristo sa kamay ng mga sundalong Romano.

Sa kabila nito, nilinaw ni Pangilinan na malaya at may karapatan naman ang sinuman na nagnanais lumahok sa religious activity kaya hahayaan niya ang mga pagsasagawa ng bisita Iglesias sa loob ng compound ng maximum security compound.

Inaasahan na rin ni Pangilinan ang paglobo ng bilang ng mga dalaw sa panahon ng Kuwaresma kaya bibigyan nila ng kaunting luwag ang mga preso upang madalaw ng kanilang mga mahal sa buhay.

Mula sa dating tatlong libo kada araw na bumibisita sa mahigit 20,000 mga bilanggo sa NBP, inaasahan ng BuCor na papalo sa lima hanggang anim na libo ang dadagsang bisita ngayong panahon ng Kuwaresma kaya hindi na rin nila pinag-day off ang ilang jail officers upang mabantayang mabuti ang sitwasyon sa loob ng pambansang bilangguan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply