Pagrebisa sa 12% VAT sa langis hiniling

NANAWAGAN si Vice President Jejomar Binay sa Kongreso na ikonsidera ang muling pag-aaral upang bawasan ang sinisingil na 12% value addede tax (VAT) sa mga produktong petrolyo upang mabawasan naman ang kalbaryong pinapasan ng mamamayan dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Ayon kay Binay, marapat lamang na pag-aralan ang panukala na humihiling ng pagbabawas sa sinisingil na buwis sa mga produktong petrolyo na posibleng makapagbigay ng kaunting kaginhawaan sa taumbayan.

Ginawa ni Binay ang mungkahi kasunod ng pahayag ni dating Budget Secretary Benjamin Diokno na maaaring itaas o ibaba ang sinisingil sa VAT sa langis depende sa tumatayong presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.

Ayon pa sa Bise Presidente, karapatan ng taumbayan na humiling ng pagrebisa sa batas dahil galing din naman sa mamamayan ang mandato ng mga inihalal na opisyal ng pamahalaan.

Naniniwala rin si Binay na ang pagrerebisa ay bahagi sa hakbangin ng pamahalaan na resolbahin ang lumalawak na pangamba hinggil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Isinulong din ni Binay ang paggamit ng electronic jeepneys upang mabawasan ang pagsandal ng sektor sa transportasyon sa paggamit ng diesel.

Aniya, malaki ang magiging pakinabang para sa transport sector, hindi lamang sa kikitain, kundi maging sa pangangalaga ng kalikasan, kung gagamit ang mga ito ng ng e-jeep na hindi na kailangan pang kumunsumo ng produktong petrolyo.

Ang e-jeep ay unang umarangkada sa Makati sa panahon ni Binay bilang punong alkalde.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply