Palasyo sa BI: Bantayan ang Mindanao

INATASAN ng Malakanyang ang Bureau of Immigration (BI) na magdagdag ng mga tauhan sa Mindanao upang mabantayan ang hangganan ng Pilipinas laban sa ilegal na pagpasok ng mga dayuhan mula sa Indonesia.

Sa kanyang direktiba, inatasan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., si Immigration Commissioner Ricardo David Jr. na magtalaga ng karagdagang puwersa ng immigration officers sa mga border crossing station ng Pilipinas na malapit sa Indonesia at Malaysia upang mabantayan at matyagan ang nakaaalarmang pagdami umano ng walang papeles na dayuhan sa Mindanao.

Naalarma ang Malakanyang sa pagdami ng bilang ng ‘undocumented aliens’, partikular na ang mga Indonesian sa nasabing rehiyon at sa posibleng pakikipag-alyansa ng mga ito sa teroristang grupong Abu Sayyaf.

Agad namang nagpalabas ng isang memorandum si David na magbubuo ng komite na siyang mag-aasikaso sa pagtatalaga ng mga tauhan ng kawanihan sa nasabing border crossing station.

Sa kanyang ipinalabas na kautusan, inatasan ni David ang komite na bumalangkas ng patakaran na maglalatag ng alituntunin sa pagtatalaga ng mga immigration officer sa Bongao at Turtle Islands sa Tawi-Tawi; Taganak at Balabac sa Palawan; at  sa Batunganding at Tibanban sa Davao del Sur.

Ayon kay David, dapat pag-ibayuhin ang pagbabantay sa mga hangganan ng Pilipinas sa Mindanao upang mapangalagaan ang pambansang seguridad.

Inatasan din ni David ang komite na makipag-ugnayan sa konsulado ng Indonesia at Malaysia sa usapin ng pangangalaga ng mga hangganan ng bawat bansa. Ang komite rin ang tatayong kinatawan ng kawanihan sa mga lokal na pamahalaan.

Sinabi naman ni BI-Personnel Section chief Danilo Lopez na may 25 immigration officers ang gumagampan ng tungkulin bilang mga border crossing officer.

Ang border crossing officer ay itinuturing din bilang ‘little commissioner’ dahil sa ginagampanan nito ang trabaho ng buong kawanihan sa kanilang mga nasasakupan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply