Pananatili sa ospital ni Andal Sr. pinaboran ng obispo

“FOR humanitarian reason,” pumabor ang isang obispo ng Simbahang Katolika na maisailalim sa hospital arrest si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr..

Ang pahayag ni Basilan Bishop Martin Jumoad ay kasunod nang kahilingan ng kampo ni Ampatuan Sr. sa Quezon City Court na payagan itong manatili sa AFP Medical Center dahil sa iniindang karamdaman.

Matatandaang isinugod sa isang pagamutan sa Taguig City noong Biyernes (Marso 9) si Ampatuan Sr. matapos na sumuka ng dugo sa Quezon City Jail Annex sa Bicutan kung saan ito nakapiit.

Inilipat din naman ito kaagad sa AFP Medical Center sa Quezon City matapos matuklasang mayroon itong pneumonia.

Ayon kay Jumoad, dapat lamang dalhin sa pagamutan si Ampatuan Sr. kung kinakailangan, basta’t haharapin pa rin nito ang mga kasong murder na isinampa laban sa kanya.

Paliwanag ni Jumoad, dapat kilalanin ng pamahalaan ang pangangailangan ni Ampatuan Sr. na manatili sa pagamutan dahil sa hindi magandang kondisyon ng kalusugan nito.

Gayunman, iginiit naman ng obispo na dapat lamang na tiyaking hindi makakatakas si Ampatuan habang naka-hospital arrest ito.

Si Ampatuan Sr. ang itinuturong mastermind sa 2009 Maguindanao massacre, kung saan namatay ang 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply