Panganib sa Star tollway

MAGANDA ang mga tanawing ating natutunghayan nitong nakaraang linggo habang binabaybay ang kahabaan ng Calabarzon Expressway na tinatawag ding Star Tollway.

Ang Star Tollway ang 42 kilometrong toll road paglabas ng South Luzon Expressway (SLEx) na nagdurugtong sa Sto. Tomas, Batangas at Batangas City.

Ito Ang Totoo: kahit may bayad, malaking ginhawa ang Star Tollway sa pag-iwas sa traffic sa Maharlika Highway, lalo na sa bahagi ng Calamba, Laguna kung tayo’y galing Metro Manila patungong Bicol o kaya’y sa bahaging southwest ng lalawigan ng Batangas at vice-versa.

Panay ang pitik ng ating camera. Maganda ang tanawin, at practice rin sa camera settings.

Nagulantang lang tayo nang bumulaga sa ating lente ang isang mama na may dalang karit, naglalakad sa gilid ng expressway. Hindi kalayuan ay tatlong bata at dalawang matanda naman ang tumawid sa lansangan habang ang mga sasakyan ay humahagibis na dumaraan.

Nasubok din ang lakas ng preno ng ating sinasakyan at galing ng company driver ng Keppel sa pag-iwas sa karitong may sakay na mag-anak na nakipagsabayan pasalungat pa sa daloy ng trapiko sa ibabaw ng tulay sa isang bahagi ng Star Tollway.

Kahit hindi tayo ang nagmamaneho, napapapreno tayo sa mga tao, kariton, baboy, kambing, baka, kalabaw at kabayong hahara-hara sa Star Tollway na tinagurian ngang expressway ay malaya namang dinaraanan ng pedestrian at pinagpapastulan ng sari-saring kahayupan.

Marami nang aksidente ang naganap sa Star Tollway, kabilang na ang ikinamatay sa isang iglap ng pitong magkakapamilya nitong nakaraang taon.

Ito Ang Totoo: mas malaki ang tsansa ng pagkakaroon ng aksidente kung patuloy na hahayaan ang naglipanang pedestriyan at hayop sa loob ng Star Tollway.

Ito ay dapat bigyang pansin ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto, ng Land Transportation Office (LTO), Dept. of Public Works & Highways (DPWH) at lalong-lalo na ng inutil na management at pamunuan ng Star Tollway na kailangan pang paalalahanan at sabihan kaugnay sa panganib sa naturang lansangan.

Kung nagagawa sa ibang expressway na walang ganyan, bakit sa Star Tollway nangyayari iyan?

Alalahanin natin, buhay kapwa ng mga motorista at mga hahara-harang pedestriyan pati na ng kahayupan ang nakataya, at ang buhay ay mahalaga, kaya huwag tayong mag-aksaya – ng buhay, ano pa! Ito Ang Totoo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebookhttp://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply