Parusang bitay at pagtumba sa mga kriminal

ANO ang masasabi ninyo sa panukala ni Manila Mayor Fred Lim na ibalik ang parusang bitay sa mga gumagawa ng mga karumal-dumal na krimen?

Sa hanay ng mga opisyal at tauhan ng gobyerno, may mga maituturing na karumal-dumal na krimen.

Kabilang dito ang pandarambong.

‘Yun bang === pagnanakaw sa kaban ng bayan na umaabot sa halagang P50 milyon pataas.

Kasali rin ang pananabotahe sa halalan o ekonomiya kaya, pagsangkot sa droga bilang protektor o druglord at pagsangkot sa large scale o maramihang illegal recruitment bilang protector o operator.

Pupuwede rin silang masali bilang kasabwat o utak sa mga krimen ng mga ordinaryong kriminal na gumagawa ng rape, rape na may pagpatay, murder, massacre, kidnapping for ransom, arson na may kasamang pagpatay  at iba pa.

Sobrang perhuwisyo sa gobyerno at  mamamayan ang mga krimeng ito kaya itinuturing silang mga karumal-dumal.

PANDARAMBONG AT IBA PA

Sa pandarambong lamang, inuubos ng mga lintek na kawatan sa pamahalaan ang mga buwis na pinaghihirapan ng mamamayan na ibigay sa pamahalaan para may pansahod sa mga pulis at sundalo na mag-aalaga sa atin at sa ating bayan laban sa krimen, dayuhang mananakop, terorista at iba pa.

Inuubos din nila ang mga pondo para sa inihahanda ng pamahalaan na pagkain, gamot, edukasyon at iba pang mga produkto at serbisyo para sa mamamayan.

Sa ibang salita, mga Bro, kung maubos ang pondo dahil sa mga magnanakaw, mapaparalisa ang gobyerno sa paghahatid ng serbisyo publiko.

Ang buong bayan ang mapeperhuwisyo.

IBANG MGA KRIMEN

Hindi lang dangal kundi buhay at kinabukasan ng bawat mamamayan ang dinudungisan at sinisira ng nabanggit na nating ibang krimen na pupuwedeng kasangkutan ng mga ordinaryong kriminal at mga taong pamahalaan.

Sa droga lamang, naglalaro sa 70% ng lahat ng krimen ang nagaganap dahil sa droga.

Rape, rapeslay, salvaging, kidnapping for ransom, murder, robbery o holdap with homicide at iba pa.

Tatayuan ka ng balahibo sa oras na ikaw na mismo ang magiging biktima ng mga ito.

Eh kung isasama pa ang terorismo na kung kumana ay ganun na lamang.

May pugutan na ng ulo, may pagsabog pa ng ating mga katawan at kaluluwa.

At hindi na lang basta mga salita ang mga ito.

Araw-araw  na nagaganap ang lahat ng ito sa mahal kong Pinas.

Kaya nga muli tayong magtatanong: nais ba ninyong maibalik ang parusang bitay?

PARUSANG BITAY

Simple lang, mga Bro, ang kahulugan ng parusang bitay.

Dito ganap na mapupuksa ang mga kriminal, nasa loob man o labas ng pamahalaan.

Hindi lang hustisya ang makakamit ng mga biktima.

Pati ang mapayapa at mapanatag na pamumuhay na magbubunga ng mabungang pakikihamok o pakikipagsapalaran sa lipunan at buhay.

DARAAN SA DUE PROCESS

Siyempre pa, dapat idaan sa tinatawag na due process ang lahat.

Arestuhin ang kriminal nang ligal at sampahan siya ng demanda.

Lilitisin siya hanggang sa mapatunayang walang kaduda-duda na nagkasala.

Pero dito, hindi dapat magkaiba ang trato sa mahirap at mayaman o mahina at makapangyarihan.

Dapat pantay-pantay.

At dapat ihagis sa impiyerno ang mga hoodlum in robes para hindi nila pawalang-sala ang mga anak ng tipaklong na kanilang KKK, may pera, kinatatakutan at iba pa.

Lahat ng huwes at hukom ay dapat na may yagbols na magpatupad ng katarungan at iitsapuwera na rin ang mga ini-impeach.

Tanong ulit: payag ba kayong maibalik ang parusang bitay?

SALVAGING

Dahil sa kawalan ng katapat na paraan para mapuksa ang mga halang ang kaluluwa na kriminal, may nakaiisip tuloy na basta na lang itinutumba ang mga ito sa loob ng presinto ng mga pulis at kampo ng mga sundalo o sa mga kanal, bangin at basurahan.

Sumasali pati ang mga riding in tandem, ang mga vigilante at iba pa.

Kung hahayaang mangyari ito, lalong gugulo ang mahal kong Pinas.

Baka mauwi ang lahat sa kaguluhan.

Dahil malamang na madaramay rito pati ang mga inosente.

Maaaring lilikha ito ng gantihan hanggang sa mababoy ang katarungan.

At paano kung kahit saan ay may dala-dala nang armas ang bawat isa para lang panlaban sa isa’t isa na may tangkang manakit at pumatay?

KASO NI FERNAN ANGELES

Nasakote na ang bumaril kay Fernan Angeles, Malacañang reporter ng The Daily Tribune.

Para sa atin, kung hindi pa umangal ang media at ang mismong Malacanang at Department of Interior and Local Government, si kasamang Fernan pa ang gustong ikulong muna ng mga pulis-Pasig City bago nila hanapin ang suspek na si Faisal.

Akalain mong naglabas  ang mga pulis ng Pasig ng pending warrant of arrest umano laban kay Fernan at ito ang gusto nilang bantayan sa ospital para maikulong nila.

Nawalan tuloy tayo ng gana sa ilang kapulisan diyan sa Pasig dahil sa pangyayaring ito.

Ngayon nga ay nahuli na si Faisal ngunit may dalawa pang ibang suspek na kasama umano ni Faisal ang hindi pa nahuhuli.

Baka sabihin naman ngayon ng mga parak na  solved na ang kaso.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply