Patrulyang parak itinigil, langis at mangingisda

OIL price hike ulit.

Isang araw sa linggong ito, matutupad umano ito.

Kaya sa Metro Manila lang, lalagpas na ang presyo ng diesel sa P50 kada litro dahil naglalaro sa P.60 ang pagtataas ng presyo rito.

Ang gasolina naman ay tataas sa P58-P59 kada litro, depende sa istasyon ng gasolina naroon ka magpapakarga sa price hike na nasa P.80.

Talaga namang napakabigat na, mga Bro, ang problema sa sobrang mahal na mga produktong petrolyo.

CONSUELO DE BOBO

Mayroon namang consuelo de bobo ang mga kompanya ng langis.

Yun bang === P1 na rollback sa presyo ng liquified petroleum gas.

Pero ang naunang nagdeklara ng rolbak dito ay ang grupong LPG Marketers Association.

Nakapagtataka nga lang na binibili umano ng LPGMA ang kanilang LPG mula sa mga kompanyang langis pero nagbababa na sila ng presyo, karaniwang hindi gumgalaw ang mga LPG ng mga kompanya ng langis.

Ano ba, Pangulong Noynoy?

TIGIL PATRULYA NG MGA PARAK

Marami tayong kakilalang parak na tumigil na sa pagpapatrulya gamit ang sarili nilang mga sasakyan.

Dahil paisa-isa lang ang mga patrol car na opisyal na ginagamit ng mga pulis sa pagpapatrulya para sa crime prevention o mabilis na pagtugon sa mga nagaganap na krimen o iba pang mga pangyayari na kinakailangan ng mamamayan, maraming pulis ang bumili o gumagamit ng sarili nilang mga sasakyan.

Maaaring motorsiklo, owner, kotse at iba pa.

Pero alam ba ninyong marami na ang tumigil sa mga ito?

Dahil sa napakamahal na gasolina na karaniwang hindi nire-reimburse o ibinabalik
ng kani-kanilang mga opisina.

Kaya, huwag na tayong magtaka kung madalas na ma-late ang responde ng mga parak sa ating mga tawag sa kanila.

Huwag din tayong magtaka kung bakit hindi natutugunan ng mga ito ang 24 oras na oras nila sa pagtatanggol at paglilingkod sa mamamayan.

At dumarami ang mga malalakas ang loob na kriminal sa paggawa ng mga krimen.

Sa mga pulis, kahit na off duty ang mga ito, 24 oras talaga ang kanilang trabaho.

Ang mahal na gasolina ang pumipigil sa kanila para isagawa ang kanilang mga duty para sa 24 oras  na serbisyo.

BRGY. PATROL TUMITIGIL DIN

Lalong apektado ang mga patrol sa barangay sa mahal na petrolyo.

Kahit ang mga mayayamang barangay na may napakalalawak na area ay umaangal na rin.

Alam naman natin kung gaano inaasahan ang mga barangay ng mamamayan.

Bago pa nga dumating ang mga pulis sa isang krimen, dumaraan muna ito sa mga barangay.

Kaya malaking gastos sa kanila ang paggamit ng mga sasakyan.

Pero may halong malaking pinagkakagastusan ang mga barangay gamit ang kanilang mga sasakyan.

Yun bang === paghahatid sa mga ospital ng mga buntis, nasusugatan sa mga away ng mga lasing at fraternity at iba pa.

Maya’t maya lumalakad, tumatakbo ang mga barangay patrol.

PATROL CAR AYAW UMANDAR

Pero kung nasasagad na ang mga bulsa ng mga kapitan, kagawad at barangay tanod sa kabibili ng petrolyo, ayaw nang umandar ang kanilang patrol car.

Tinatapat na lang nila ang mga mister ng mga buntis o pamilya ng mga maysakit o nasusugatan sa pangangailangan ng petrolyo.

Ganyan katindi ang epekto sa pablik serbis ng sobrang mahal na diesel, gasolina at liquified petroleum gas.

ISTAMBAY NA MANGINGISDA

Namamasyal tayo sa mga aplaya na maraming mangingisda.

Alam ba ninyong marami na pala ang tumigil sa pakikipagsapalaran sa dagat?

Kapag hindi sila sigurado kung may mahuhuli sila o wala, hindi na sila pumapalaot.

At para maging sigurado silang may mahuhuli at may pambuhay ng kanilang mga pamilya, tumatanaw na lang sila sa mga tabing dagat.

Kung may mga kawan na na naglalaro, naglulundagan, saka na lang sila nagpapaandar ng mga makina para maglaglag ng lambat o maghagis ng mga bingwit.

Dito na lang sila nakababawi ng gasolina at umaasa ng kaunting kita para sa kanilang mga pamilya.

Paano kung walang kawan?

Kaya naman marami nang mangingisda sa mga karagatan at malalaking ilog ang nakararanas ng kagipitan at gutom.

Ganyan katindi, mga Bro, ang epekto ng sobrang mahal na langis.

NAVOTAS FISHPORT

Namasyal naman tayo minsan sa Navotas Fishport Complex.

Bakit ang daming barkong nakagarahe sa mga pier dito?

Ito ang tanong natin sa ilang nadatnan nating mga tauhan ng mga barko.

“Mahal kasi ang krudo o diesel. Lugi po kami.”

Yan ang sabi ng mga tripulante.

Dito na nagkuwento ang mga tripulante.

Dahil sa kawalan ng biyahe sa karagatan, puro gutom at utang ang kanilang inaabot para mabuhay, kasama na ang kanilang mga pamilya.

PAGING DOE

Mahal naming Pangulo, Boss, ano-ano ba ang pupuwedeng gawin ng Department of Energy sa mga problemang nabanggit natin na bunga ng sobrang mahal na petrolyo.

Talaga bang inutil na ang DOE?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply