Pekeng viagra kalat sa Pilipinas – FDA

KINUMPIRMA ngayon ng Food and Drug Administration (FDA) na kalat sa bansa ang pekeng Viagra dahil sa dami ng kalalakihan na gustong bumili nito sa kahit sa presyong may kamahalan.

Sa isinagawang pagdinig ng Quality Affordable Medicine Oversight Committee na pinamumunuan ni Sen. Manny Villar, sinabi ni FDA director Suzette Lazo na hindi na ang gamot sa hypertension, asthma, analgesic , diarrhea at vitamins ang pangunahing pinepeke ngayon kundi ang gamot para sa ari ng kalalakihan.

“I think the number one drug that’s being faked is sildenafil citrate, Viagra,” wika ni Lazo na nagsabi pang pati na ang steroids ay kasama na rin sa pinekepe ngayon.

Inusisa ni Villar kung hindi mapupuna ng mamimili na peke ang nabibili nilang Viagra, pero pinaliwanag naman ng FDA official na masyado nang sopistikado ang teknolohiya ngayon kung kaya nagagaya na nila ang gamot na ito maliban lamang sa epekto ng paggamit nito.

Dahil dito, sinabi ni Villar na kailangan na talagang dagdagan ang parusa laban sa mga namemeke ng gamot dahil sa nilalagay nila sa peligro ang buhay ng mga tao.

Nangako naman ang senador na patuloy niyang iimbestigahan ang isyu ng mga pekeng gamot sa bansa upang malaman kung gaano na kalaki ang problemang ito.

Sa naturang pagdinig ay ibinunyag din ni Villar na may apat na pangunahing gamot ang tumaas ang presyo, imbes na bumaba, matapos na ipatupad ang Cheaper Medicine Act sa bansa.

Aniya, ang gamot na Plendil na dati ay P23.76 ay nabibili ngayon sa Mercury Drugs ng P32.25 habang P 61.00 naman sa St. Lukes Hospital; ang Ventolin ay dating P 352 subalit naging P 432 sa Mercury; ang Ponstan ay P 26.00 lamang subalit naging P29.75 sa Mercury habang P 57.00 naman sa St. Lukes; at ang Bactrim na dati ay P 17 ay naging P 33.75 sa Mercury at P 64.00 naman sa St. Lukes.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply