Pinakamalinis na brgy. wanted sa MMDA

ILULUNSAD na bukas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Metro Manila Mayor’s Spouses Foundation Inc. (MMMSFI) ang paghahanap sa pinakamalinis at pinakamaayos na Barangay sa Metro Manila.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, isang paraan ito upang maisulong nila nang husto ang kalinisan at kagandahan ng Metro Manila at kumpiyansa siyang tatanggapin ng mga barangay chairman ang hamon hindi lamang upang makilala ang kanilang lugar kundi upang mapangalagaan na rin ang kalusugan sa kanilang komunidad.

Hahatiin sa apat na kategorya ang may 1,705 na barangay sa Kamaynilaan na awtomatikong kalahok sa programa na ibabatay sa lawak ng kanilang nasasakupang lugar at halaga ng kinikita.

Magiging batayan naman sa paghuhusga sa magwawagi ang kawalan ng anumang mga kalat o basura sa bangketa, lansangan, malinis na estero, kanal at iba pang daluyan ng tubig, mahigpit na implementasyon sa mga ordinansa na nagbabawal sa pagkakalat at pagtatapon ng basura at pagtalima sa umiiral na probisyon sa ilalim ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Hahatiin din sa dalawang elimination round ang pagpili sa magwawagi kung saan ang una ay sa Abril at Hunyo, habang ang ikalawa ay sa Hulyo at Setyembre.

Gaganapin ang pinaka-pinale sa Oktubre at ihahayag ang magwawagi sa katapusan ng naturang buwan.

Ang magwawagi ay pagkakalooban ng P1 milyong premyo at plake ng pagkilala na ipagkakaloob sa Nobyembre 7, kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng ahensiya.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply