Pinoy ‘Au Pairs’ sa Europa prayoridad ng BI

HINDI na kailangan pang dumaan sa ‘butas ng karayom’ para makaalis ng Pilipinas ang mga Pilipinong papasok sa ipinatutupad na programang ‘Au Pairs’ sa mga bansa sa Europa, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Sa isang kalatas, sinabi ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr., na simula bukas, Marso 19 ay hindi na maghihigpit ang immigration officers sa mga pambansang paliparan sa pagpapaalis sa mga Pilipinong pumapasok bilang ‘Au Pairs’ sa Europa.

Ang  programang “Au Pairs’ ay cultural exchange na kasunduan na magbibigay sa mga Pilipinong may edad 18 hanggang 30 ng pagkakataon na makisalamuha sa isang pamilya sa Switzerland, Norway at Denmark sa loob ng dalawang taon.

Mamumuhay ang mga nasabing Pilipino kapantay ng pamilyang kumuha sa kanila at gagampanan ng mga ito ang pinagkasundang tungkulin sa bahay tulad ng pag-aasikaso sa mga bata at paglilinis ng bahay nang walang tatanggaping buwanang sahod, kundi monthly allowance lamang.

Sa kanyang direktiba, sinabi ni David na tanging ang pasaporte, sertipikasyon mula sa Commission on Filipino Overseas (CFO) at kontrata na pinatotohanan ng embahada o konsulado ng Pilipinas sa mga bansa sa Europa ang dadalhin ng mga Pilipinong pumasok  bilang ‘Au Pairs’ sa kanilang pag-alis sa Pilipinas.

Nauna nang ipinahayag ni Vice President Jejomar Binay na inaasahang aabot sa 2,000 Pilipino ang papaloob sa programa sa taong ito.

Naniniwala rin si Binay na ang pagbawi ng Pilipinas sa pagbabawal sa programang ‘Au Pairs’ para sa mga bansa sa Europa ang magbubukas ng pinto para sa mga Pilipino na yakapin ang kultura at ang pagkakatao na magkaroon ng magandang buhay.

Nauna nang nakipagpulong si Binay sa mga kinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE), POEA, Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Education (DepEd), BI at CFO upang mailatag ang bagong patakaran sa pagpasok sa nasabing programa, at ang pagbibigay proteksyon sa mga karapatan ng mga aplikante.

Inatasan din nii Binay ang Inter-Agency Council Against Trafficiking (IACAT) sa mga pambansang paliparan na matyagan ang pagpapatupad ng programa at tiyakin na ang mga aplikante ay hindi magiging biktima ng human trafficking syndicate at illegal recruitment.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply