Pinoy na pumatay sa kapwa Pinoy sa Saudi, makakalaya na

MAKAKALAYA na sa kulungan ng Saudia Arabia ang isang overseas Filipino worker (OFW) na pumaslang sa kapwa niya Pilipino matapos na patawarin ito ng pamilya ng biktima, ayon sa pahayag ni Vice President Jejomar Binay kahapon (Marso 1).

Ito ay matapos na ihain ng embahada ng Pilipinas sa korte ng Riyadh ang sinumpaang salaysay ng kapatawaran ng pamilya ng napaslang na si Robertson Mendoza, isang rekesitos upang mapalaya ang akusadong si Jonard Langamin.

Ginawa ng pamilyang Mendoza ang affidavit of forgiveness o Tanazul makaraang magbayad ng blood money ang pamilyang Langamin sa isinagawang pagkakasundo ng dalawang pamilya sa tanggapan ng Bise Presidente sa Coconut Palace, Pasay City kamakailan.

Mismong si Binay, presidential adviser for OFW concern. ang nag-abono sa nasabing pera na ibinigay sa pamilyang Mendoza upang agarang mapakawalan si Langamin.

Ayon pa kay Binay, nakatakda ang pagdinig ng korte sa isinumiteng salaysay ngayong linggo at sakaling katigan ito ng hukuman, nakatakdang dumating sa Pilipinas si Langamin ngayong buwan ng Marso.

Ang paglagda ng pamilyang Mendoza sa Tanazul ay isang senyales na pinatawad na ng biktima ang akusado sa kasong pagpatay, isang hakbang upang mapalaya si Langamin.

Sa ilalim ng batas ng Saudi, binigyan diin ng pamahalaan ang pribadong aspeto sa kaso kung saan handa ang biktima na patawarin ang akusado kapalit ng pagbayad ng tinatawag na blood money.

Kinasuhan sa korte ng Damman, Saudi Arabia si Langamin ng pamamaslang kay Mendoza noong 2008. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply