PISTON sa iba pang transport groups: ‘Mga walang palabra de honor’

“MGA walang palabra de honor!”

Ito ang sinabi ngayon ni Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) national president George San Mateo sa mga kapwa niya lider ng transport groups na urong-sulong sa ikinasa nilang protest caravan ngayong araw.

Kabilang sa mga inakusahan ni San Mateo na walang isang salita sina Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (FEJODAP) president Zeny Maranan, Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association (Pasang Masda) president Roberto “Obet” Martin at Alliance of Concern Transport Organization (ACTO) president Efren De Luna.

Ani San Mateo, ilang mga pagkakataon na niyang napatunayan ang kawalan ng palabra de honor ng kanyang mga kapwa lider sa sektor ng transportasyon na bigla na lamang aatras sa isinusulong nilang kilos-protesta sa oras na ipatawag at kausapin na ng Malakanyang.

Kung sakali at magpapasiya aniya ang kanyang mga kasamahan na magsulong muli ng malawakang kilos-protesta laban sa kawalan ng aksiyon ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo, mamarapatin muna niyang lumagda ang mga ito sa kasunduan na walang atrasan bago niya kagatin ang sasabihin ng mga ito.

Nilinaw din nayon ni San Mateo na hindi tigil-pasada tulad ng ipinangangalandakan nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino at Presidential spokesperson Edwin Lacierda ang isinagawa nilang transport caravan.

Inakusahan ni San Mateo sina Tolentino at Lacierda na kapwa naghahasik umano ng pangamba at alarma sa mga komyuter sa pamamagitan ng paghahayag na isang tigil-pasada at pagtatangkang maparalisa ang pampublikong transportasyon ang isasagawa nilang kilos-protesta, gayung malinaw naman ang kanilang inihayag na protest caravan lamang at hindi welga ang kanilang isasagawa.

“Alam ko naman ang motibo niyang si Chairman Tolentino, sasabihin niya na bigo kaming maparalisa ang transportasyon dahil sa ginawa nilang paghahanda, eh malinaw naman na wala kaming intensiyon na paralisahin ito,” pahayag ni San Mateo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply