PNoy kuryente

BAGAMAN malaki ang tulong ng kuryente sa mga Pinoy upang mapadali ang klase ng pamumuhay, malaki rin naman ang pahirap nito dahil sa napakamahal na singil sa presyo lalo na sa mahihirap na mamamayan.

Ngunit para kay Pangulong Noynoy Aquino, iba ang usaping kuryente kung pag-uusapan ang nangyari sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City kung saan nakapiit si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon sa source, tumawag si Aquino sa US Embassy matapos makarating sa kanya ang balitang dumalaw sa presidential suite ng VMMC si US Ambassador Harry K. Thomas Jr. Kinuwestiyon ni PNoy ang embahada kung bakit dumalaw si Thomas kay Arroyo gayung wala naman itong pahiwatig o paalam mula sa Palasyo.

Gaano katotoo na napahiya ang Pangulo nang mabatid na hindi naman sa presidential suite ng nasabing pagamutan nagtungo ang ambassador kung hindi sa tanggapan ng isang manggagamot na kanyang kaibigan.

Ibig bang sabihin ay umasa ang Pangulo sa nagpadala sa kanya ng mensahe na hindi muna niya inalam kung totoo bago siya tumawag sa US embassy? Aba’y dapat na managot ang nagpadala ng mensaheng kuryente sa pinakamataas na opisyal ng bansa.

Hindi dapat maging biktima ng “Wow Mali ” si PNoy dahil lang sa eksaheradong mensahe na ipinadala ng nagmamagaling niyang opisyal.

Malapit kaya sa Pangulo ang nagpadala sa kanya ng mensahe kaya’t bagaman napahiya siya sa nangyari ay walang sibakang nangyari? Ibang klase rin naman si PNoy, basta malapit sa kanya, kahit magsakripisyo siya, walang problema.

Kung nagkataon kayang hindi malapit sa kanya ang nagpadala ng mensahe o nagbigay sa kanya ng maling balita, pagtakpan kaya niya ito at balewalain na lang ang nangyari?

Mahina nga ba ang monitoring ng Malacañang at Camp Crame kaugnay sa activities ng dating Pangulo sa kanyang piitan o talaga lang over-acting ang Palasyo kapag usapin na tungkol sa mga opisyal ng nakalipas na administrasyon?

Sa report, Sabado ng hapon, dumating sa VMMC si dating First Gentleman Mike Arroyo at nagtungo sa presidential suite. Makalipas ang ilang sandali, dumating naman si Ang Galing Pinoy partylist Rep. Mikey Arroyo ang dumalaw rin sa kanyang ina.

Ilang sandali nang pananatili ng mga Arroyo sa ospital, dumating naman si Ambassador Thomas. Hindi nabatid kung nagtungo ito sa presidential suite.

Subalit sinabi ng source na sa isang kaibigang doktor nga ito dumalaw. Kayo, sa palagay nyo?

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply