PNoy tinuligsa sa pagtatalaga sa mga kaanak ng prosecution team

TINULIGSA ng isang arsobispo ang pagtatalaga ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa mga kamag-anak ng prosecution team sa mga korporasyon na pagmamay-ari ng gobyerno.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, nakakahiya ang ginawang pagtangkilik ni Pangulong Aquino sa mga kongresistang nagsulong ng impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona dahil masyadong lantad ito at malinaw na panunuhol sa mga kongresistang kaalyado niya.

“Nagulat ako pagkat sinasabi nga masyado namang lantad na lantad ang pagtangkilik ng Presidente sa mga nagsusulong ng impeachment na siya naman talaga ang nagsimula! Siya ang nag-udyok! At ngayon ang nakakahiya dito pati ang mga kamag-anak ng mga kongresista ay binibigyan na rin ng kaukulang pabuya! Nakakahiya ito! Nakakahiya!”- bahagi ng pahayag ni Cruz, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Kaugnay nito, nagbabala pa si Cruz kay Pangulong Aquino na maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa taumbayan ang kanyang ginawa.

Paliwanag ng arsobispo, kapag nagpatuloy ang gawaing ito ng punong ehekutibo ay tiyak na mawawala ang tiwala sa kanya ng taumbayan at lalo pang mababawasan ang kanyang popularidad.

Nauna rito, kasunod nang pagtatapos ng presentasyon ng House Prosecution Panel sa mga ebidensiya nila laban kay Corona sa impeachment court ay kaagad na itinalaga ng Pangulo sina dating senador Wigberto Tanada, ama ni Rep. Erin Tanada, bilang chairman ng UCPB – Coco Industry Investment Fund Oil Mills group habang si Jorge Banal Sr. naman, na ama ni Rep. Jorge Banal Jr., ay ipinuwesto bilang acting member ng board of directors ng Poro Point Management Corporation.

Samantala, bukod sa ama ay itinalaga ang dalawang kapatid ni lead prosecutor at Rep. Neil Tupas Jr. na sina Niel Tupas bilang director ng Phil. National Oil company, Raul Tupas, director 3 ng DA at Niellete Tupas Balleza bilang national consultant ng PCSO.

Lalo namang nagduda si Cruz kung talagang nais bang matupad ng Pangulo ang kanyang “tuwid na daan” dahil puro political accommodation umano ang ginagawa nito.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply