Power crisis sa Mindanao aabot sa 2014

AABOT pa sa 2014 ang nararanasang power crisis sa Mindanao.

Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, bagama’t may panukalang solusyon nang nakita ang Department of Energy (DOE) para sa aspetong ito ay sa 2014 pa maitatayo ang power plant na may 300 megawatt capacity.

“You know, that is something that is more properly discussed by Secretary [Jose Rene] Almendras, ‘yung Secretary of Energy natin.. si Secretary [Lualhati] Antonino, si Secretary Almendras on the power situation in Mindanao. And, clearly, mayroon na pong mga na-trace na causes; mayroon na po tayong mga proposed solutions. So hopefully that will go over well,” ani Valte.

Sinusugan naman nito ang sinabi ni Energy Secretary Almendras na patuloy na magiging operational ang power coal plant sa Mindanao hanggang 2014.

Inamin naman ng opisyal na short-term lamang ang solusyon na ito dahil naghahanap pa aniya sila ng pangmatagalang solusyon sa naturang problema.

“We don’t build power plants overnight so ito na po ‘yung mga sinisimulan natin para hindi na ho maulit ‘yung mga ganitong sitwasyon,” wika ni Almendras.

Ani Almendras na kasalukuyang 120 megawatts ang kakulangan sa supply ng koryente sa Mindanao dahil sa mahinang produksyon ng mga hydropower plants.

Kaugnay nito, ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng pamahalaan ang mga taga-Mindanao para sa mas mataas na bayarin sa singil sa kuryente.

Nauna nang pinulong ni Pangulong Benigno Aquino III sina Mindanao Development Authority (MindA) chairperson Lourdes Lualhati Antonino at Sec. Almendras para talakayin ang matagal nang problema sa Mindanao.

Ayon kay Almendras, gagamitin na ang mga power barge na matagal nang kinontrata pero hindi nagagamit dahil sa mahal na generation charges.

Aniya, hindi maiiwasan ang mas mahal na bayarin dahil diesel ang gagamitin kung saan mataas ang presyo nito sa world market.

Wala namang plano ang gobyerno na i-subsidize ang dagdag na bayarin dahil hindi umano praktikal bagama’t magandang paraan sana para magpapogi.

Kaugnay nito, plano naman ni Agham Partylist Rep. Angelo Palmones na mangalap sila ng mga ebidensiya para magkaroon ng batayan ang isasampa nilang class suit laban sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at iba pang sangkot sa umano’y “economic sabotage” na dala ng “artificial power shortage.”

Kahit isapubliko ng NGCP na totoo at hindi “artipisyal” ang power shortage ay marami pa rin ang ayaw maniwala dito.

Maging ang Mindanao Development Authority (MinDA), ayon kay Palmones, ay naniniwalang artipisyal ang krisis sa koryente.

Dahil dito, pursigido si Palmones at ang ilan pang mga mambabatas, mga LGU official mula sa Mindanao na magsampa ng class suit.

Tinawagan naman ng pansin ni Palmones ang mga power consumer mula sa North Cotabato na suportahan ang kanilang plano.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply