Problema sa basura

PANAHON na ng tag-init kaya’t marami sa mga tao ang nais na malinis ang katawan kaya’t araw-araw naliligo at malinis ang kapaligiran para maiwasan ang langaw at iba pang insekto na nagdadala ng sakit kaya araw-araw naglilinis ng paligid.

Ilang residente ng Towerville sa Gaya-Gaya San Jose Del Monte, Bulacan ang nais na maiparating sa pamahalaan ang kanilang reklamo kaugnay sa mga basurang itinatapon at nakatambak malapit sa ilog na posibleng maging dahilan ng pagbabara at pagbaha sa kanilang lugar.

Ang naunang reklamo nila kaugnay sa basurang hindi nakokolekta sa lugar nila ay nabigyang kasagutan ng Solid Waste Management Adhoc Committee kaya naman nagpapasalamat sila kay Mayor Reynaldo San Pedro at sa tiyuhin ng una na si Tata Anding dahil sa pagbibigay panahon sa kanilang suliranin.

Anang mga residente, maging ang mga miyembro ng komite ay kanilang lubos na pinasasalamatan dahil sa pag-aksyon sa kanilang problema na hindi napag-ukulan ng pansin ng mga unang namumuno.

Ngayon, problema naman nila ang basura mula sa Material Recovery Facilities (MRF) na ipinatatayo ng Goldenville Developer at mga basurang nakokolekta mula sa mahigit 1,000 kabahayan sa Towerville 6B sa Barangay Gaya-Gaya. Itinatapon umano ito malapit sa ilog na malapit naman sa mga kabahayan sa lugar.

Ilang beses na raw nila itong ipinarating sa San Jose City Environment and Natural Resources Officer (ENRO) na si Thelma Bautista at Department of Environment and Natural Resources (DENR) subalit hindi sila binigyang pansin.

Natatakot silang dumating ang malakas na ulan at maanod ang mga basura patungo sa ilog na maging sanhi ng mabilis na pagtaas ng tubig at maabot ng baha ang kanilang mga bahay. Posible pa umanong maging sanhi ito ng pagbubuwis ng buhay ng mga residente.

Mabigyang kasagutan sana ang problemang ito ng pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte para maiwasan ang sakunang katulad ng sa Mindanao.

Samantala, problema rin ng mga residente ng Sunriser Village sa Barangay Llano, Caloocan City ang pangongolekta ng basura sa lugar. Sa bawat pagdaan ng trak ng basura para mangolekta, nanghihingi ng barya ang mga basurero. Kapag hindi nagbigay ang bahay na naglabas ng basura, hindi nila kukunin ang basura.

Sa madaling salita, nilalampasan lang nila ang basura.

Kapag bumalik ang trak ng basura makalipas ang ilang araw, lalampasan na naman nila ang lalagyan ng basura kapag walang baryang iniabot sa kanila. Dapat na sigurong malaman ito ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri upang masolusyunan ang problema.

Siguro naman, may suweldo sa lokal na pamahalaan ang mga basurero o inuupahan ang mga trak at tauhang nangongolekta ng basura kaya’t hindi na dapat nanghihingi sa mga residente.

Aba’y kung wala, dapat maawa naman ang pamahalaan sa mga taong ito kaya’t dapat suwelduhan. Pero kung may suweldo na sila, aba’y grabe doble ang kita nila.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan  ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply