Prosec oks sa paghaharap ng SALN ng mga senador

HINDI kinatatakutan ng prosekusyon ang balak ng defense team ni Chief Justice Renato Corona na magprisinta ng statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ng mga senador sa impeachment trial.

Ayon kay Rep. Sonny Angara, karapatan ito ng panig ni Corona bilang bahagi ng depensa nito.

Gayunman, naniniwala si Angara na ang silbi lamang ng nasabing pagpiprisinta ng SALN ng mga senador ay ang mapag-usapan ang isyu ng SALN pero hindi naman magbibigay ng mahusay na depensa pabor sa punong mahistrado.

Sinabi naman ni Deputy Speaker Erin Tañada na gusto lang palabasin ng mga abogado ni Corona na kung mali rin ang deklarasyon ng mga senador sa kanilang SALN, lusot si Corona at hindi dapat ma-convict.

Giit pa ni Tañada na hindi ang mga senador ang nililitis dito kundi ang punong mahistrado.

Kasabay nito, sinabi ni Angara na patuloy pa ring umaasa ang prosekusyon na haharap sa impeachment court si Corona para ipagtanggol ang kanyang sarili.

Subalit, malamang ay sa Mayo na makadalo sa paglilitis si Corona, batay sa pahayag ng defense team.

Sa darating na Huwebes (Marso 22), ang inaasahang huling araw ng trial para magbigay-daan sa Holy Week break ng Kongreso.

Babalik naman ang sesyon ng Upper at Lower House sa Mayo 7 at posibleng dito ipagpatuloy ang paglilitis, kung bigo ang depensa na matapos ngayong linggo ang kanilang presentasyon ng mga ebidensya at testigo.

Muling iginiit ni Angara na mahalagang humarap sa korte si Corona dahil ito lamang ang makapagpapaliwanag hinggil sa discrepancies at inconsistencies sa kanyang SALN, at iba pang akusasyon na ibinabato laban sa kanya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply