Pumatay sa honor student arestado na

NASA kustodiya na ng pulisya ang pangunahing suspek sa pamamaslang sa 15-anyos na honor student matapos pumalag sa nagtangkang umagaw sa kanyang nilalarong play station portable (PSP) nitong Martes ng gabi sa Taguig City.

Tumanggi munang pangalanan ni Taguig Police chief Sr. Supt. Tomas Apolinario ang dalawang suspek hangga’t hindi pa sila positibong itinuturo ng mga nakasaksi sa nangyaring pamamaril sa biktimang si Ruel Cruz na nakatakda na sanang magtapos bilang honor student sa Signal Village High School.

Si Cruz ay binaril ng isa sa magkaangkas sa motorsiklo sa harap mismo ng kanilang bahay sa No. 9 Ipil-ipil St., Brgy North Signal Village matapos tumangging ibigay ang nilalarong PSP.

Ayon kay Apolinario, una nilang nabawi ang ginamit na motorsiklong Honda Jazz na may plakang TL-4195 ng mga suspek malapit sa bahay ni Shirley Palacio, tumatayong registered owner, sa Dreamland Central Signal Village  dakong alas-11:30 ng gabi kamakalawa.

Sinabi ni Palacio na noon pang Martes ng alas-5 nawala ang kanilang motorsiklo na karaniwang ginagamit ng kanyang asawa at anak subalit napag-alaman na naipa-blotter lamang ang pagkawala nito kamakalawa ng gabi, isang oras makaraang makuha ng awtoridad ang motorsiklo.

Napag-alaman na hindi nakuha ng mga holdaper ang PSP ng biktima subalit natangay naman nila ang cellphone bago tumakas makaraang barilin ang binatilyo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply