Puneraryang nagbebenta ng bangkay iimbestigahan

INUTOS ni Chief of Staff at Media Information Bureau chief Ric de Guzman ang malalim na imbestigasyon laban sa isang punerarya sa Maynila na umano’y nagbebenta ng bangkay matapos mahuli sa ikinasang entrapment operation kamakailan.

Ayon kay De Guzman, mahigpit na ipinagbabawal ang bentahan ng bangkay maging sa medical school lalo na sa isang indibiduwal ng walang kaukulang permiso mula sa mga awtoridad.

Paliwanag ni De Guzman, may mga guidelines na dapat na sundin sa bentahan ng bagkay maging ito man ay sa medical schools o sa isang indibiduwal.

Batay sa report, nahuli sa aktong nagbebenta sa isang poseur-buyer ng bangkay si Reynaldo dela Cruz, 39, funeral director sa isinagawang entrapment ng Regional Police Intelligence Operations unit ng NCRPO sa Funeraria Cruz sa No. 2620 Severino St. Sta. Cruz, Maynila.

Bukod kay Dela Cruz, inaresto din si Marlon Pacheco, 26, driver at ang dalawang helper na sina Arnel, 23 at Warlie Bulalayao, 20.

Inireklamo ang mga ito ni Marieta Gento ng San Jose Bulacan, matapos ibenta ng mga suspek ang bangkay ng kanyang asawa sa isang poseur-buyer na medical student.

Kinasuhan ang mga suspek ng qualified theft at PD 856 o Sanitation Code of the Philippines, dahil sa umano’y reklamo na marumi at mabaho ang lugar.

Subalit ang mga suspek ay sumailalim sa Release for Further Investigation ni Chief Inquest Elaine Yarra-Cerezo dahil na rin sa kakulangan ng testimonya ng poseur-buyer at ang hindi pagsasama sa kaso ng mismong may-ari ng punerarya.

Idinagdag pa ni De Guzman na maging ang mga nangho-hostage ng bangkay ay mahigpit na ipinagbabawal. Kadalasang umanong nangyayari na hindi ibinibigay sa pamilya ang bangkay hangga’t walang pantubos.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply