Radical na solusyon sa problema

NAGTAASAN ang kilay ng karamihan sa mga kasapi ng pupungos-pungos na Subic Bay Freeport Chamber of Commerce (SBFCC) at ilang mga tauhan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa narinig kay SBMA Chairman & Administrator Roberto V. Garcia sa kanyang State of the Freeport Address (SOFA) nitong nakaraang linggo.

Bakit pupungos-pungos ang SBFCC? Kasi, ang tagal-tagal na, iilan pa lang ang miyembro at hindi naman maramdaman ng chamber of commerce, ayon mismo sa mga kasapi na parang social club o sosyalan lang ito.

Masasalamin ito sa report ni SBFCC Pres. Danny Piano na puro attended ito, attended iyon bilang accomplishments. Kailan ba naging accomplishment iyong nag-attend ka ng party?

Ok, balik tayo sa SOFA ni Garcia.

Sa harap ng P7B lugi, $10B na utang at walang pinagkakakitaang pupuno sa mga

pananagutan, kailangan ng radical na solusyon, ayon kay Garcia, upang makabangon ang SBMA at mapangalagaan ang kabuhayan at trabaho ng mga tao rito.

Ang upa ng kasalukuyang locators ay mababa at may 300 ektaryang lupain na lang ang available para sa bagong investors na kalimitan ay hindi nagtutuloy dahil ang 300 ektarya ay hindi contiguous, ibig sabihin, kalat-kalat sa iba’t ibang bahagi ng Freeport.

Halimbawa, isang dayuhang kumpanya ang kausap ni Garcia na gustong mag-invest sa Subic. Nang sabihing 50 ektarya ang kukunin, nag-kape na lang sila, aniya, tapos ang usapan na walang kinahinatnan.

Ang container terminal (seaport) na ipinangutang pa ng SBMA ay 92% under-utilized at ang Airport ay wala na rin halos silbi buhat ng iwanan ng FedEx na lumipat sa China.

Ito ang radical na solusyon: Tuluyan nang isara ang may 200 ektaryang lupain na airport at gawin itong tourist destination tulad ng Sentosa sa Singapore.

Ito Ang Totoo: Radical nga ang plano ni Garcia at bagong Board of Directors.

Aniya, 20 milyong turista ang pumupunta sa Sentosa kada taon. Kung magagawa na kahit tatlong (3) milyong turista lang ang mapapunta sa Subic, malaking bagay na ito.

Kung usapin ng gagamiting airport, 40 minuto lamang ang Diosdado Macapagal International Airport sa Clark, aniya.

Parang mahirap tanggapin pero ano ba ang maibibigay nating alternatibo?

Ito Ang Totoo: kung wala tayong maibibigay na alternatibo, kailangang tingnan ang planong ito at linangin kung kailangan, upang maging epektibo.

Panukala pa natin, gayahin ng bagong pamunuan ng SBMA ang halimbawa ni Pangulong Noynoy Aquino: Imbestigahan at kasuhan ang mga nagsamantala sa Subic Bay Freeport sa nakaraang mga administrasyon upang hindi na pamarisan pa at mabigyan ng hustisya ang ginawang pahirap sa bayan. Ito Ang Totoo!

***
Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebookhttp://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply