Saludo sa Gabriela

MACHO ang reputasyon ng mga grupo ng transportasyon. Astig, ‘ika nga. Palibhasa ay dominado ng mga barako ang kasapian ng mga ito.

Pero hindi tayo mag-aalangan o mahihiyang yumuko at magpugay sa ating mga kababaihan kung ito naman ang nararapat.

Halimbawa ay hayagan nating pinapupurihan ang grupong Gabriela dahil tumbok nila ang mahahalagang isyung dapat pagtuunan ng pansin. Isa sa mga pangunahin sa mga ito ay ang isyu ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa katunayan ay dadalhin ng Gabriela ang isyu sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa darating na Marso 8.  Kokondenahin ng mga kasapi ng grupo ng mga kababaihan ang pang-aabuso ng oil cartel sa pamamagitan ng pagmamanipula ng halaga ng kanilang mga produkto sa pakikipagkutsabahan umano ng pamahalaan.

Hindi nga ba’t ang direktang tama ng ganitong sistema ay sa sektor ng transportasyon? Ang di-direkta ngunit makirot pa ring tama nito ay sa mga ordinaryo, lalo na sa mahihirap, na pamilyang Filipino.

Sabi ng Gabriela, ang oil price hikes ang nagpapadami ng bilang ng mga Pilipinong nagugutom. Bakit? Dahil parang may pandikit ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa halaga ng mga produktong petrolyo. ‘Pag sumirit ang una
ay taas din ang huli.

Kaya’t kung tutuusin, doble perwisyo (“double whammy,” ‘ika nga ng mga Inglesero) ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Hamakin mong kahit maghanap-buhay sila ng sampung oras at mahigit pa ay lumiliit pa rin ang kanilang kinikita dahil kinakain na nga ng gastos sa pagpapagasolina.

Pag-uwi sa bahay ay kakapiranggot o walang makain dahil ‘di kayang abutin ng natitirang kita ang nagmamahalang bilihin tulad ng pagkain.

Mas mabuti pa ang iba na may trabahong hindi pagmamaneho ng pampublikong sasakyan. At least ay hindi bumaba ang kanilang kita kahit mataas ang ang presyo ng mga bilihin.

Kaya’t saludo ang mga transport sa Gabriela dahil hindi ito bumitaw sa isyu, samantalang ang ibang grupo ay “one-shot deal” lamang ang tingin sa adbokasiyang ito. Matapos mag-propaganda laban sa presyo ng langis ngayon ay tatalon naman sa ibang isyu bukas makalawa.

Eh bakit hindi ka bibilib, di ba?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply