Sereno inayawan ang pagtestigo sa Corona trial

KUMPIRMADONG inayawan na ni Supreme Court Associate Justice Ma. Lourdes Sereno ang pagtestigo sa impeachment trial laban kay Chief Justice Renato Corona.

Inihayag ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na nakatanggap ng isang fax message mula kay Sereno ang kanyang opisina na nagsasaad ng paghingi nito ng paumanhin na hindi mapapaunlakan ang apela ng prosekusyon na maging testigo sa darating na Marso a-uno.

Ani Sereno sa fax message, walang dahilan pa upang siya ay humarap sa impeachment court dahil isinara na ni lead prosecutor Niel Tupas, Jr. ang paghahain ng mga ebidensya at testigo upang bigyang daan ang depensa na makapaghain ng kanilang tugon sa mga akusasyon laban kay Corona.

Naunang naghain ng kahilingan sa impeachment court ang prosekusyon upang imbitahan si Sereno para sumalang sa witness stand upang maipaliwanag ang kanyang “dissenting opinion” hinggil sa inisyung TRO ng Korte Suprema, pabor sa travel plea ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi pa ni Tupas na hindi na raw kakailanganin na mapaharap si Justice Sereno sa korte, na ikinagulat at ikinasama ng loob ni Colmenares.

Pinalagan din ng iba pang kongresista ang naging aktuwasyon ni Tupas na ilaglag ang reserbasyon na makapagtestigo pa si Sereno upang mas mapatatag ang Article 7.

“We are not only disappointed, we are aghast. This is a treachery of previous unities in the prosecution to rest the case and, together with the dollar accounts in Article 2, make a reservation for Sereno’s testimony on Article 7,” ayon kay Casiño na sinuportahan naman nina Gabriela Rep. Emmi de Jesus at Act Teachers Rep. Antonio Tinio.

Naaalarma ang tatlong kongresista dahil pahihinain anila nito ang itinatayong ebidensya ng prosekusyon.

“No amount of incompetence can explain Tupas’ move. Is he getting orders from his higher ups to just focus on the articles that do not include GMA?” ayon pa sa tatlo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply