Sereno kinukumbinsing tumestigo sa Corona trial

PATULOY na kinukumbinsi ni House Majority Leader Neptali Gonzales si Supreme Court Associate Justice Ma. Lourdes Sereno na pumayag maging rebuttal witness ng prosekusyon laban kay Chief Justice Renato Corona.

Ito ay matapos sabihin ni Corona sa isa sa media interview nito na patutunayan niyang nagsisinungaling si Sereno sa mga isinaad nito sa dissenting opinion ukol sa pagpapalabas ng Supreme Court ng temporary restraining order na pumabor kay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ni Gonzales na hindi dapat mag-atubili si Sereno sa pagtestigo ngayong binabahiran na umano ito ni Corona sa mga interview at para ipagtanggol ang sarili.

Ani Gonzales, kailangang pagpasiyahan ng mahistrado ang kaniyang pagtestiogo upang mailabas diumano ang katotohanan sa publiko at upang mas mapatatag ang Korte Suprema.

Ang dissenting opinion ni Sereno ay ginamit na ebidensiya ng prosekusyon para sa article seven ng impeachment complaint.

Subalit tumanggi si Sereno na maging testigo sa impeachment trial dahil naunahan na aniya ng termination ng presentasyon ng prosecution.

Samantala, kinalampag din ni Gonzales ang atensiyon ng impeachment court sa media hopping ni Corona.

Ani Gonzales dapat na kastiguhin ng impeachment court si Corona dahil salita ito nang salita sa media para idepensa ang sarili sa mga alegasyon laban dito.

Ipinaalala rin ni Gonzales, na ang prosekusyon ay maraming beses na kinastigo ng mga senator judge dahil subjudice ang mga pahayag nila noon sa media kaya kailangang ipatupad din ang panuntunang ito kay Corona.

Bilang punong mahistrado ay batid aniya ni Corona ang subjudice rule pero sa nakalipas na dalawang araw ay wala itong ginawa kundi mag-ikot sa mga radio at TV stations.

Pinatatahimik din ni Gonzales si Corona sa pambabatikos kina Sereno at Associate Justice Antonio Carpio.

Paliwanag ni Gonzales na taliwas sa ipinangalandakan ni Corona na pinoprotektahan nito ang hudikatura ay lumalabas na ito ang sumisira sa institusyon. (meliza maluntag)

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply