Sertipiko ng tagumpay

PANAHON na ng graduation sa mga paaralan. Napakahalagang bahagi sa buhay ng mga magulang at kanilang mga anak ang makatapos ng pag-aaral. Maging ito ay pagtatapos sa kinder, elementary, high school o college, tagumpay pa ring maituturing, lalo na sa hirap ng buhay ngayon.

Maraming pagkakataon na naaanyayahan akong maging tagapagsalita sa mga graduation at may isang kuwento ako na laging ibinabahagi sa lahat.

May isang pamilya. Si Tatay, Nanay at tatlong anak. Pawang mahuhusay ang tatlo kaya ‘di maiwasan na lagi silang magpagalingan lalo na ngayon na lahat sila ay tapos na ng college at may sari-sariling propesyon na.

Minsan ay muli silang nagpagalingan. “Mga tol, ako ang pikamahusay sa ating magkakapatid. Doktor na ako ngayon at nagpapakadalubhasa sa isang sangay ng medisina.

Mahirap yata ‘yon!” ang pagmamalaki ng panganay.

“Kuya naman, mas mahusay ako! Abogado na ako at top ten pa sa BAR! Mas mahirap pumasa sa BAR at ngayon junior partner na ako ng pinakamalalaki at maimpluwensiyang law firm sa bansa!” ang pagyayabang naman ng pangalawang anak.

“Kuya at Ate, mahusay kayo pero mas mayaman naman ako sa inyo. Arkitekto ako at puro multi-national firms ang kliyente ko. Pinakamalaki ang kita ko sa ating lahat,” pagbibida ng bunso.

Habang nagpapayabangan ang magkakapatid ay tahimik lang na nakikinig ang kanilang mga magulang. Napansin sila ng tatlo at nagsalita ang bunso. “Tatay, Nanay! Kanina pa po kami nagbibidahan dito. Diyan lang pala kayo nakikinig. E walang galang na po, may gusto po sana akong itanong sa inyo?”

“Sige, anak. Ano iyon?” Ang sagot ni Tatay.

“Dito po sa bahay puro diploma, certificate, medalya at iba pang parangal naming magkakapatid ang naka-display. Wala po kayong nabanggit na karangalan na natanggap o ‘di kaya certificate ninyong naka-display rito.”

Nangiti lang ang Tatay at sinabi, “Aba meron din teka’t ipakukuha ko sa Nanay ninyo.

“May ibinulong si Tatay kay Nanay at pagkatapos ay may kinuha siyang envelope at ibinigay kay Tatay.

“Mga anak, maswerte kayo at naitawid namin kayo sa pag-aaral. At lahat kayo ay mahusay. Kami ng Nanay ay hindi nakatapos ngunit meron din naman kaming natanggap na mga certificate na pinagmamalaki namin.”

“Ano ‘iyon Tatay?” Ang tanong ng panganay.

Kinuha ng Tata yung tatlong pirasong papel sa envelope at ipinakita sa mga anak. “Mga anak, ang pinakamahalagang natanggap naming certificate ay walang iba kung hindi ang mga BIRTH CERTIFICATE ninyo. Kayo ang aming tagumpay.”

Mga graduate, sa inyong pagtatapos, isipin ninyo na malaking bahagi ng inyong tagumpay ang pagsisikap ng inyong mga magulang.

CONGRATULATIONS AT GOD BLESS!!!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply