Si Beauty at si Beast

KAILAN lang ay nabasa ko sa pahayagan na muling pinalalabas sa sinehan ang isang napakagandang animated film ng Walt Disney, ang “BEAUTY AND THE BEAST.” Unang pinalabas ito noong 1991 o 1992 at ito ang kauna-unahan at marahil huling animated film na ma-nominate sa Best Picture sa Academy Awards.

Simple lang ang istorya. Isinumpa na maging halimaw ang isang prinsipe dahil sa kasamaan ng kanyang ugali. At mawawala lamang ang sumpa kung tunay siyang mamahalin ng isang babae. At dapat mangyari ito bago ang huling patak ng petal ng rosas na ibinigay sa kanya ng engkantadang nagpatong ng sumpa sa prinsipe.

Imposible nga naman na ibigin ng tunay ang isang halimaw kaya naman nawalan na ng pag-asa ang prinsipe. Hanggang dumating si Belle sa buhay niya. Sa una’y takot na takot si Belle sa halimaw ngunit nahulog ang kan-yang loob sa kabaitan na ipinakita ng halimaw sa kanya. Nabura ang sumpa. Muling naging tao ang prinsipe and they lived happily ever after, ika nga.

Maraming aral ang mapupulot sa “Beauty and the Beast.” Una ay ang kagandahan ng kalooban ng tao ay mas mahalaga kaysa sa panlabas na anyo.

Ang halimaw ay nagpakita ng kagandahan ng kanyang kalooban at sa pamamagitan nito ay napaibig niya ang dalaga. Ang dalaga naman ay hindi tiningnan  ang nakatatakot na anyo ng halimaw kundi ang kalooban nito.

Wala siyang kamalay-malay na dahil sa pag-ibig niya muling babalik ang kisig ng prinsipe.
Mahalaga rin na sa pagbalik ng tunay na anyo ng prinsipe ay nanatili na maganda ang kanyang kalooban.

Sa tunay na buhay maraming maganda ang anyo pero halimaw ang pag-uugali pero walang engkantada na makapagbabago ng kanilang anyo ngunit maaari pa rin nating mabago ang pagiging ugaling halimaw niya kung susuriin natin ang buhay na kanyang dinanas. Matutulungan nating mabago ang kanyang ugali kung mauunawaan natin ang kanyang pinagdaanan. Karamihan sa mga naligaw ng landas at naging kriminal ay nanggaling sa sirang pamilya.

Karamihan sa mga nakagawa ng mali ay dahil sa salat sila sa ka-buhayan at kailangang kumapit sa patalim upang makatawid sa gutom.

Sa kabilang banda, kung hindi naman kaakit-akit  ang panlabas na anyo, matatakpan iyan ng malinis na kalooban. Marahil,  wala ngang magandang dilag o makisig na lalaki ang dumating sa buhay ngunit hindi nangangahulugan na walang kaligayahan na darating sa buhay mo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply