Si Corona, si Gloria at ang kudeta

HALIMBAWANG ma-convict si Chief Justice Renato Corona sa kasong impeachment, saan ba tutungo ang mahal kong Pinas?

Halimbawa ring ma-convict si Aling Gloria sa kahit isa sa mga kinahaharap nitong mga kasong kriminal, saan din tutungo ang ating bansa.

Nagtatanong tayo sapagkat may lumilitaw na usok ng kudeta laban umano kay Pangulong Noynoy.

May ibig kasing sabihin ang huli. Ang usok ba ng kudeta ay depensa ng katulad nina Corona at Aling Gloria?

O usok ito ng mas malalang problema na maaaring hindi napapansin o pinapansin ng kasalukuyang pamahalaan?

EBIDENSIYA VS CJ TINANGGAP

Malaki ang pag-asa ng mga tagausig-kongresman na sasabit ang hasang ni Corona sa bingwit ng mga ito sa mga sumbong na kanilang inihain sa impeachment court.

‘Yun bang === mga sobrang yaman sa lupa, gusali at pera ni Corona sa bangkong PS Bank at BPI.

Tinanggap kasi ng nasabing Hukuman ang mga ebidensiya rito, kabilang na ang sertipikado na bank record ni Corona. Binokya ng mga senador-hukom ang kahilingan ni Corona na ibasura ang mga ebidensiya rito.

Hindi umano tugma ang laki ng yaman ni Corona sa idinedeklara nitong yaman at pag-aari sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth habang nakaupo siya bilang mahistrado.

PAMILYA BASA UMANGAL

Sa pahayagang Daily Inquirer, iniulat na may sapilitang umuwi mula sa ibang bansa na miyembro ng pamilya Basa na kasali sa kompanyang Basa-Guidote na sinangkalan ng mag-asawang  Renato at Cristina Corona sa pagkakaroon ng sobrang yaman sa bangko.

Umangal ang nasabing miyembro ng pamilya Basa nang sabihin ng mga Corona na salapi ng Basa-Guidote ang perang nakapangalan kay Renato. Pero ang mahalaga rito ay kung may halaga o wala ang pinagsasabi nito laban kay Corona.

Isang tanong: magiging testigo kaya ang miyembro ng Basa family laban kay Corona sakaling maungkat  nito bilang depensa ang multi-milyong salapi sa bangko?

Sapagkat tinapos na ng mga tagausig-kongresman ang kanilang kaso at tanging si Corona na lamang ang magprisinta ng depensa nito laban sa mga akusasyong pagpapayaman sa puwesto at pagsisinungaling sa SALN.

SPEEDY TRIAL

Gusto ng mga senador-hukom na paspasan ang paglilitis sa kaso.

‘Yun bang === may speedy trial.

Una, gusto nilang matapos ang kaso bago mag-Semana Santa para naman wala silang dala-dalang pabigat sa buhay.

Ikalawa, natatali na ang mga senador-hukom sa paglilitis at wala na umano silang nagagawa bilang mga mambabatas.

Kung mangyayari ito, mabilis na magkakaroon ng desisyon at tunay ngang dapat nang bumalik ang mga kongresman at mambabatas sa kanilang orig na trabaho.

Napababayaan na ang mga batas na dapat nilang asikasuhin para sa napakaraming problema ng mahal kong Pinas.

ANG KUDETA

Mismong si Pangulong Noynoy ang nagsumbong sa pamamagitan ng media na may nilulutong-makaw na kudeta ang mga gustong bumalik umano sa puwesto upang muling  mangorap. N’ung una, todo tanggi rito ang Presidential Security Group.

Nagmukha tuloy na isang Herodes si PNoy na may kinatatakutang hindi nito mawari.

Nagkaroon na lamang ng katotohanan sa sumbong ni PNoy nang may magsalitang nakaaalam ng katotohanan, gaya ni Senador Tony Trillanes.

Kinumpirma ng mga ito na  may mga heneral nga noong nakaraang mga administrasyon na kumukumbinsi sa kasalukuyang mga opisyal ng pulisya at militar na tumalikod kay PNoy.

PAALALANG TUNAY

Ang usok ng kudeta ay palatandaan ng pagkakaroon ng pagpapabaya ng kasalukuyang pamahalaan sa ibang mga problema ng mamamayan.

Ano nga naman ang mangyayari kung panay anti-Gloria at anti-Corona na lamang ang pagkakaabalahan ng mga nasa pamahalaan?

Sa Kamara nga, nagrereklamo na ang mga mambabatas na masisipag na pumasok ukol sa kawalan lagi ng korum sa mga miting ng komite o miting na pangkalahatan o plenaryo. Nababalaho ang paggawa ng mga batas sa parte ng mga tagausig-kongresman.

Gaya ng nabanggit na natin, umaangal na rin ang mga senador sa kawalan nila ng oras para gumawa ng mga batas.

May komon silang problema: hindi na nila nasusubaybayan ang mga pork barrel nila na doon sila tiyak na kikita sa 20 porsyentong komisyon o ghost projects.

Natataranta nga yung iba dahil ang mga kalaban na nila sa pulitika ang nakatatanggap ng pork barrel at hindi sila.

Kita ninyo, mga Bro?

PETROLYO, EVAT AT IBA PA

Pero higit sa problema ng mga kongresman o naliligaw na atensyon ng mga ito sa kanilang mga trabaho, tila gustong sumakay ang mga nagpapausok ng kudeta ang mga problema sa sobrang mahal na petrolyo, pabigat na EVAT, kawalan ng trabaho ng marami, maliit na kita ng nakararami, konsentrasyon ng kayamanan sa iilan, mahal na kuryente, edukasyon at marami pang iba.

Ibinubulong ng mga ito na walang pagbabago at sila ang pag-asa para magkaroon ng pagbabago?

Mahal na Pangulo, magandang isabay ninyo sa impeachment at kaso ni Aling Gloria ang pag-aasikaso sa inyong Boss.

Ito’y para walang dahilan ang mga kudetista na magsilitawan sa mga araw na ito.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply