‘Single ticketing receipt’ ipinamahagi na

IPINAMAHAGI na ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang uniform ordinance violation receipt (UOVR) na gagamitin na traffic enforcers sa Metro Manila sa panghuhuli sa mga tsuper na lumalabag sa batas-trapiko.

Sa simpleng seremonya na dinaluhan ng ilang alkalde ng Metro Manila, pinuno ng iba’t ibang grupo ng transportasyon, hepe ng mga traffic bureau at pinuno ng liga ng mga bise alkalde sa Metro Manila, isinagawa ang simbolikong pamamahagi ng bagong UOVR na gagamitin mula kanina ng traffic enforcers.

Sinabi ni Tolentino na unang hakbang pa lamang ang pagpapatupad ng single ticketing system at isusunod na nila ang pagsusulong na makapagpasa ng magkakaparehong ordinansa ang 17-lokal na pamahalaan sa buong Metro Manila upang maging unipormado na rin o pare-pareho ang babayarang multa na katumbas ng nagawang paglabag sa batas-trapiko ng mahuhuling tsuper.

Bubuuin na aniya nila ang isang technical working group na babalangkas ng mga panukala na kanilang ibabahagi sa mga lokal na pamahalaan sa Kamaynilaan upang pagbatayan sa pagpapasa ng magkakaparehong ordinansa.

Tiniyak naman ni Caloocan City Vice Mayor at pinuno ng Liga ng mga Bise Alkalde Edgar Erice na susuportahan nila ang ikalawang hakbang na isusulong ni Tolentino.

Idinugtong pa ni Tolentino na nakalatag na rin aniya ang ikatlong hakbang na kanilang isasakatuparan at ito’y ang tuluyang pagsawata sa nagaganap pa ring pangongotong ng traffic enforcers.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply