‘Special visa’ sagot sa kawalan ng trabaho

NANINIWALA ang Bureau of Immigration (BI) na tutugunan ng iniaalok nitong “special visa” sa mga dayuhang negosyante ang problema sa kawalan ng trabaho sa Pilipinas.

Ayon kay Immigration Regulation Division (IRD) chief Danilo Almeda, makakatulong ang isinusulong na special visa for employment generation (SVEG) ng kawanihan sa hangarin ng pamahalaan na mabigyan ng trabaho ang mamamayan.

Batay sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 2011 at inilabas nito lamang nakalipas na Pebrero, umaabot sa 9.7 milyon ang Pilipinong walang trabaho, mas mataas ng 24 porsiyento kumpara sa 20.2% na naitala sa mga nakalipas na pagsisiyasat.

“Sa pamamagitan ng SVEG, bibigyan ng kaparatan ang isang dayuhang kapitalista na mamamalagi ng matagal sa Pilipinas hangga’t nakapagbibigay ito ng hindi bababa sa sampung trabaho sa mga Pilipino,” dagdag pa ni Almeda.

Ang nabanggit na visa ay isang special non-immigrant visa na ibibigay sa isang dayuhan na napatunayan na nag-empleyo ng hindi bababa sa 10 manggagagawang Pilipino, teknikal man o propesyunal.

“Tatagal ng 30 araw ang proseso bago mailabas ang special visa matapos na magbayad ng hindi lalagpas sa P30,000 bilang application fees at makapag-submit ng kumpletong dokumento kasama na ang katibayan mula sa DOLE (Department of Labor and Employment) na nagpapatunay na nagbibigay ang isang dayuhan ng trabaho sa mga Pilipino,” dagdag pa ni Almeda.

Sinabi pa nito na hindi lamang ang isang dayuhang kapitalista ang mabibigyan ng prebilehiyo na manatili ng matagal sa Pilipinas, kundi maging ang mga mahal nito sa buhay.

“Hindi rin kailangang kumuha ng exit clearance certificate ang mga nabigyan ng SVEG, bagama’t kailangan nilang magsumite ng annual report sa kawanihan, alinsunod sa umiiral na Alien Registration Act of 1950,” pahayag pa ng dating hepe ng Immigration-Alien Registration Division (ARD). Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply