SSS pinagloloko ang mga miyembro

KUMIKITA ang Social Security System pero bakit sinasabi nitong hindi kakayanin ang magbigay ng pagtaas ng benepisyo ng mga miyembro o kaya’y nananakot na maigsi lang ang buhay ng ahensya?

KUMIKITA SA PHILEX MINES

Sa isang balita, sinasabing lumaki na ang sosyo ng SSS sa Philex Mines.

Itong Philex Mines ay isang kompanya ng nagkakalkal ng mga ginto, pilak at tanso sa ilang minahan sa mahal kong Pinas.

Dahil sa pagmahal ng mga ginto, pilak at tanso sa pandaigdigang merkado, lumalaki nang husto ang Philex Mines at siyempre, lumalaki rin ang sosyo ng SSS.

P23.4 BILYON ANG SOSYO

Sa ngayon, umaabot na sa P23.4 bilyon ang sosyo ng SSS sa nasabing kompanya.

Batay ito sa 21.58 porsyentong laki ng kapital na sosyo nito sa Philex Mines.

Lumundag sa 60% mula sa nakaraang taon ang halaga ng sosyo nito dahil na rin sa pagmamahal ng mga ginto, pilak at tanso ng nasabing kompanya na pinakamalaking mining company sa Pinas ngayon.

P447M DIBIDENDO

At alam ba ninyo ang naging dibidendo na nakuha ng SSS nitong nagdaang mga araw dahil sa paglaki ng sosyo nito?

Tumataginting, mga Bro, na P447 milyon. Cash yan, hindi sapi sa korporasyon.

Kung mananatili ang kalagayan, posibleng taon-taong  kikita ang ating ahensya ng ganito ring halaga mula sa Philex Mines lang.

P1.76b BONUS

Alam din ba ninyo, mga Bro, na kumita rin ang SSS ng P1.47 bilyon na bonus nang ihiwalay ng Philex Mines ang isang kompanya ng pag-aari nito o subsidiary na Philex Petroleum Corporation? Nasa anyo naman yan ng ari-arian.

PLDT, BELLE CORP, FPHC

Bukod sa sosyo o malaking kapital sa Philex Mines, alam ba ninyong may sosyo rin ang SSS sa Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT), Belle Corp and First Philippine Holdings Corp.?

Lahat ng ito ay kumikita rin.

Ang tanong natin kay SSS President Emilio de Quiroz Jr., gaano kalaki ang sosyo ng SSS sa PLDT na kung isasama pati ang Smart at Digitel dito ay naglalaro ang buong kapital sa P142 bilyon?

Magkano rin ang sosyo ng SSS sa Meralco at First Philippine Holdings na nag-uulat sa Securities and Exchange Commission ng daan-daang bilyong pisong
kita taon-taon?

Magkano rin ang kinikita ng ahensya sa Belle Corporation na isang malaking kompanya sa real estate?

At magkano ang kinikita ng SSS sa Union Bank, Security Bank at iba pa?

Mayroon ding kinikita ito sa nasa P120 bilyong halaga ng utang ng gobyerno mula sa SSS. Magkano ang kinikita nito na interes sa pautang nito sa gobyerno?

P300B PUHUNAN AT P86B SOSYO

Maraming pinaglalagakan, mga Bro, ang SSS ng perang naiipon nito mula sa kontribusyon ng mga miyembro.

Mahigit sa P300 bilyon ang salapi ng SSS at may nakalabas na mahigit sa P86 bilyon na sosyo nito sa iba’t ibang kompanya.

‘Iba yung P120B na pautang nito sa pamahalaan.

Batay sa laki ng kabuuang sosyo nito sa iba’t ibang kompanya, magkano ang kinikita nito taon-taon?

HINDI KUMIKITA, BUHAY MAIGSI

Sa mga salita ng mga pinuno ng SSS gaya nitong si De Quiroz, mga Bro, alanganin ang pondo ng SSS kaya hindi nila kayang ibigay ang mga mas malaking benepisyo na inaasahan ng mga miyembro.

Kaya naman gusto nilang itaas ang premium o bayarin ng mga empleyado at kompanya mula sa 10.45 sa 11%.

Bukod dito, gusto rin nilang itaas ang basehan ng premium mula sa P15,000 na buwanang kita sa P20,000 buwanang kita.

Doble talim ang gusto ng mga tarantado riyan sa SSS para sila kumita: itataas na nga nila ang singilin o premium, palalakihin pa nila ang batay nito.

Anak ng tokwa, itong sina De Quiroz kaya ang maglagak ng puhunan ngayong halos lugi na lang ang inaabot ng higit sa nakararaming negosyante at tingnan lang natin kung hindi ito iiyak nang may uhog na katakot-takot.

P50B SA PPP

Sa kabila ng sinasabi ng mga tado sa SSS na delikado ang buhay ng SSS, naghahanda pala ang mga ito na magbitiw ng nasa P50B na kontribusyon para umano sa Public-Private Partnership.

Dahil lamang sa hinihingi ng Malakanyang na P50B, agad na nag-volunteer ang mga ito na maglaan ng P50B para sa PPP.

Anak kayo ng tipaklong, kinuha na ba ninyo ang go-signal ng mga miyembro ng SSS na binubuo ng milyon-milyong manggagawa at mga employer?

SSS HINDI PAG-AARI NG GOV’T

Nakalilimutan ng mga ungas diyan sa SSS na hindi pera ng gobyerno ang pondo ng SSS.

Pinagsamang pondo yan ng mga empleyado at employer at gumawa lang ng paraan ang pamahalaan para hawakan ang pagpapatakbo dito at maiwasan ang pambababoy ng mga ganid sa pribadong sektor.

Pero heto nga at ang tingin ng mga ungas diyan sa SSS, eh, pag-aari yan ng gobyerno. Kaya ganun na lang ang basta na lang paggasta ng pondo nito para sa mga proyekto ng gobyerno.

MAKUNAT SA MIYEMBRO

Kaiba naman ang trato nito sa mga miyembro kung sila, tayo ang hihingi ng pabor.

Walang pondo, delikado ang buhay ng SSS.

Anak kayo ng tipaklong diyan, may pondo kung para sa gobyerno pero wala kung para sa mga miyembro.

Aba, lumayas na kayo riyan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply