Sunog sa Grand Central dapat na imbestigahan

NOONG Biyernes (March 16) ay nasunog ang Ever Gotesco Grand Central na matatagpuan sa kahabaan ng Rizal Avenue Extension sa Caloocan City kung saan ay milyon-milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.

Nang makarating sa kaalaman ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nagaganap na sunog ay agad na rumesponde ang mga ito ngunit pagdating ng mga ito sa naglalagablab na mall ay hindi pinapasok ng mga security guard ang mga kagagawan ng pamatay sunog.

Dahil dito, napilitan ang mga bumbero na gumawa ng paraan upang mabomba ng tubig ang pinagmumulan ng apoy na umano’y nagsimula sa isang tindahan ng sapatos na matatagpuan sa unang palapag ng naturang mall.

Kahit na ano ang gawing pilit ng mga bumbero na apulahin ang sunog ay hindi makaya ng mga ito dahil malayo sila sa pinagmumulan ng apoy hanggang sa tuluyang kumalat ito sa buong gusali at madamay ang buong establisimyento.

Isa sa sinisisi ng pamunuan ng BFP ang hindi pagpapasok sa kanila ng mga security guard ng Grand Central dahil kung naagapan ang apoy ay posibleng hindi na nadamay pa ang buong gusali.

Agad namang ipinag-utos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo at Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa naganap na sunog.

May posibilidad umano na may naganap na foul play sa pag-kasunog ng Grand Central kaya’t nararapat lamang na tutukan ang gagawing imbestigasyon dito at sakaling mapatunayan na totoo ito ay dapat ding maparusahan ang may kagagawan nito.

Kung inyong matatandaan, matagal na ring hinahabol ng lokal na pamahalaan ang Gotesco Investments, Inc. (GII) na siyang nagpapatakbo ng Grand Central dahil milyong halaga ang buwis na hindi nababayaran nito.

Hanggang sa ngayon ay hinahabol pa rin ng Caloocan City government ang utang sa buwis ng GII kaya’t pinatututukan ni Echiverri ang pagsasagawa ng imbestigasyon kung may foul play sa pagkasunog ng Grand Central.

Hanggang sa sinusulat naman ito ay patuloy pa ring nasusunog ang naturang mall kaya’t maging ang mga residenteng nakatira sa tabi ng Grand Central ay pinalikas na rin ng mga tauhan ng BFP dahil sa posibilidad na bumagsak ang pader nito dahil sa tindi ng init na nagmumula sa sunog.

Huwag naman sanang mangyari na may madamay pang residente dahil mas lalong magiging malaki ang epekto nito kung saan sa pinakahuling ulat ay labing-pitong tauhan ng BFP at fire volunteer ang nasugatan dahil sa pag-apula ng apoy.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply