Suspek sa pamamaril kay Fernan Angeles nadakip

NADAKIP na ang isa sa tatlong suspek sa pamamaril sa Malacañang reporter na si Fernan Angeles sa boundary ng Pasig City at Cainta, Rizal kaninang alas-singko ng hapon.

Kinilala ni Pasig City chief of police S/Supt. Jessie Cardona ang suspek na si Faisal Sangkupan na umano’y bumaril kay Angeles.

Ayon sa ulat, nadakip si Faisal sa naturang lugar kasunod ng operasyong isinagawa ng pulisya.

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso si Sangkupan, na hawak na ng Pasig PNP, sa Lunes (Marso 19).

Una nang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Sec. Jesse Robredo na kabilang sa kanilang iimbestigahan ang mga naisulat ni Fernan sa Tribune, partikular na sa umano’y kinalaman ng pulisya sa harassment, holdapan at droga sa kanilang lugar.

Kaugnay nito, nakiusap naman si Robredo sa pamilya ni Angeles na makipagtulungan sa kanilang ginagawang hiwalay na imbestigasyon.

Napag-alaman na umakyat na sa P200,000 ang pabuyang nakalaan sa makapagtuturo sa namaril kay Angeles.

Unang nag-alok ng P100,000 reward sina National Press Club president Jerry Yap at Alyansa ng Filipinong Mamamahayag president Benny Antiporda na sinundan naman ng P100,000 na alok ni Pasig City Mayor Robert Eusebio.

Matatandaan na nagtamo ng pitong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Angeles makaraang pagbabaril ng mga salarin noong Marso 11 at isinugod sa Pasig City General Hospital kung saan patuloy itong inoobserbahan ng mga doktor.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply