Tagle, Palma susunod na hihiranging Cardinal– Cruz

NANINIWALA si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na isa kina Manila Archbishop Luis Antonio Tagle at Cebu Archbishop Jose Palma ang inaasahang idedeklarang susunod na bagong Cardinal ni Pope Benedict XVI.

Ang pahayag ni Cruz ay kasunod nang pagpanaw ni Jose Cardinal Sanchez na ihinatid sa huling hantungan dakong 10:00 kaninang umaga sa Good Shepherd Cathedral sa Quezon City.

Ayon kay Cruz, dating Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa obserbasyon kasi nila, karaniwan nang ginagawang Cardinal ng Vatican ang isang arsobispo kapag ang pinalitan nito sa puwesto ay isa ring Cardinal.

Si Tagle, dating obispo ng Imus, ay siyang itinalaga ng Vatican kapalit ni dating Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales habang si Palma, na kasalukuyang pangulo ng CBCP, ang siya namang nahirang na kapalit ni dating Cebu Archbishop Ricardo Cardinal Vidal.

Sinabi ni Cruz na normal nang may tatlong Cardinal ang Simbahang Katolika ngunit hanggang ngayon ay hindi pa pinapangalanan ng Santo Papa ang magiging kapalit ni Sanchez.

Sa kasalukuyan dalawa pa ang buhay na Cardinal ng Pilipinas sa katauhan nina dating Rosales at Vidal, ngunit pareho na ring retirado ang mga ito.

Nananatili pa rin naman umanong miyembro ng College of Cardinals ng Vatican sina Rosales at Vidal ngunit hindi na sila maaaring bumoto sa Papal conclave.

Ang College of Cardinals ay samahan ng lahat ng mga Cardinal ng Simbahang Katolika na siyang nagpapayo sa Santo Papa hinggil sa mga usaping may kinalaman sa simbahan at siya ring naghahalal ng successor sakaling mamatay ang Pope.

Karaniwan nang humihirang ng bagong Cardinal ang Santo Papa kasabay ng isang consistory, o pormal na pulong ng College of Cardinals sa Roman Catholic Church.

Nabatid na ang huling consistory ay naganap noong Pebrero 18, 2012.

“In due time, Archbishop Tagle and Archbishop Palma will be elevated to the College of Cardinals,” ayon kay Cruz.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply