Taiwanese national na dinukot, natagpuan na

NAKABALIK na sa tinutuluyang hotel sa Makati City ang turistang Taiwanese na inakalang dinukot ng armadong kalalakihan noong Huwebes ng umaga makaraang matagpuang pagala-gala sa isang barangay sa Bacoor, Cavite.

Kahapon ay pormal nang naghain ng reklamo sa Makati police si Llin Yen Chu, 23 laban sa mga apat na armadong suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis na puwersahang dumukot sa kanya noong Huwebes ng umaga ilang minuto makaraan niyang lumabas sa tinutuluyang Eurotel Hotel sa kanto ng Pasong Tamo at Pasay Road sa Barangay Pio Del Pilar dakong alas-9 ng umaga.

Sa pahayag ng biktma, nilapitan siya ng mga suspek na nagpakilalang mga pulis at hinanapan siya ng ID at passport saka puwersahang isinakay sa isang van upang suriin umano ang kanyang mga dokumento.

Nang nasa loob na ng van ang biktima, tinutukan na siya ng baril ng mga suspek at nag-anunsiyo na ng holdap, iginapos ang kanyang kamay, piniringan ang mata at binusalan ang kanyang bibig.

Dito na sinamsam ng mga suspek ang lahat ng kanyang dalang salapi, pati na ang dala niyang dolyar na tinatayang aabot sa kabuuang P17,000 bago ibinaba sa isang madilim na lugar sa Barangay Niog 3, Bacoor Cavite noong Biyernes na ng alas-3 ng madaling-araw.

Nakarating lamang siya sa isang police station sa Bacoor, Cavite alas-9 na ng umaga nang makita siya ng dalawang binatilyo na tumulong at naghatid sa kanya sa naturang presinto.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply