Tamad na politiko

NATATAWA pero nalulungkot ako sa ibinigay na dahilan ni House Speaker Sonny Belmonte kung bakit ayon sa kanya ay malabong tigpasin ang 12 % na value added tax mula sa oil products.

Ang katuwiran niya kasi ay mahirap na tanggalin ang VAT sa langis dahil MALAKI ang kinikita ng gobyerno mula rito.

Muntik na akong malaglag sa upuan ng malaman ko ang sinabi niyang ito.

Lumalabas na sobrang tamad at ayaw talagang mag-isip ang mga mambabatas na ito.

Sila pa naman ang inihalal ng taumbayan para isulong ang interes at kapakanan nila.

Pero sa sinabing ito ni Belmonte ay maliwanag na handa nilang isakripisyo ang interes ng taumbayan para lamang kumita at protektahan din ang interes ng mayayamang oil companies.

Iniyabang pa kasi niya na sa taong ito lang ay mataas na ang koleksyon ng buwis mula sa langis kaya’t  anomang pagkukulang ng koleksyon ng buwis sa iba pang sources ay natatakpan nito.

Sa madaling salita, ayaw nilang tagpasin ang VAT sa langis dahil source of income ito kahit pa ang ibig sabihin nito ay lalo pang magtataas ang pamasahe, presyo ng bilihin at mga serbisyo.

At dahil sa mga bagay na ito ay lalo pang titindi ang paghihirap ng mga mamamayan na maaaring magbunga ng kaguluhan at pagtaas ng kriminalidad.

Sa totoo lang walang kinikilalang batas ang walang lamang sikmura.

Hihintayin pa ba ng mga pinuno natin na tuluyang maubos ang pasensiya ng mga mahihirap at maghalo ang balat sa tinalupan bago sila kumilos?

Sa susunod na linggo  pa ipagdiriwang ang Mahal na Araw pero sa haba na ng panahon na sadlak sa hirap ang taumbayan ay parang araw-araw na silang bumubuhat ng krus papunta sa kalbaryo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply