Tapunan ng dumi at ihi

NORMAL na sa tao ang parating nagmamadali sa pagpasok sa trabaho at maging pag-uwi sa tahanan kaya naman marami ang umiiwas sa mabagal na daloy ng trapiko bunga ng pagyaot ng mga sasakyan sa lansangan.

Isang paraan upang makaiwas sa mabagal na daloy ng trapiko, lalo na sa Kamaynilaan, ang paggamit ng mga alternatibong daan. Karamihan sa mga gumagawa nito ay iyong mga may sasakyan.

Paboritong daanan ng mga taga-Norte tulad ng Navotas, Caloocan, Malabon at Valenzuela ang R-10 sa Tondo, Maynila.

Kumpara sa talagang daanan tulad ng Rizal Avenue, hamak na mas mabilis ang daloy ng mga sasakyan sa R-10.

Subalit ang hindi maganda ay ang daraanan na kalsada.

Hindi lang putik o tubig na tumatalsik sa mga sasakyan ang problema rito subalit maging ang mabahong amoy sa lugar dahil mismong sa kalye na lang nagtatapon ng dumi at ihi na nakabalot sa plastic ang mga residente rito.

Dapat ay umaksyon sa problemang ito ang mga barangay na nakasasakop sa nasabing lugar.

Kailangang bigyang disiplina ng pamunuan ng barangay ang mga residenteng nagtatapon ng kanilang dumi sa kalye.

Aksyon din mula sa tanggapan ng Manila City Health Department ang kailangan upang matigil ang ginagawang kabuktutan ng mga residente.

Makabubuting busisiin ng mga ito ang kalagayang pangkalusugan ng mga taong ito.

Halimbawa ang pagkakaroon ng sariling palikuran sa kanilang mga tahanan.

Isa itong paraan upang maiwasan ang pagkakalat ng dumi at sakit sa lansangan.

Batid naman nating may mga mikrobyo ang mga dumi at ihi na itinatapon na lang sa daanan na posibleng maging daan upang magkaroon ng epidemya na natural ay ayaw nating mangyari dahil marami ang maaapektuhan.

Sakaling makitang napakarami nang walang palikuran, isang paraan din na puwedeng gawin ng pamahalaan partikular ang tanggapan ng Ama ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim ay ang pagpapagawa ng mga pampublikong palikuran.

Isa pang delikadong ginagawa ng ilang  residente lalo na ng mga bata ang paliligo sa kalye kung saan hindi lang buhay nila ang nanganganib kundi maging ang mga tsuper at pasahero ng mga sasakyang dumaraan na umiiwas na sila ay masagasaan.

Makaiiwas sa aksidente kung ang problemang ito ay kaagad na maaaksyunan ng pamahalaan, nasyonal man o lokal.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply