Tiwali sa DPWH mag-resign na – Singson

NANAWAGAN si Public Works Secretary Rogelio Singson sa mga tiwaling opisyal at empleyado ng kagawaran na kusang loob nang magbitiw sa kanilang puwesto, sa halip na hintayin pa ang kasong isasampa sa Ombudsman laban sa kanila.

Sa isang pulong pambalitaan matapos magsalita sa harap ng mga opisyal ng Financial Executive Institute of the Philippines (FINEX) kaninang umaga, sinabi ni Singson na bagama’t hindi siya mangingiming kasuhan sa tanggapan ng Ombudsman ang mga tukoy nang tiwali, hindi naman makatutulong ito sa  pagpapatupad ng iba’t ibang imprastruktura sa buong bansa.

“Kung ang pagsasampa ng mga kaso lamang ang ating aatupagin, wala na tayong magagawa,” dagdag pa ni Singson.

Ayon pa sa kalihim, wala sa kanyang plano na magkaroon ng kaaway sa loob at labas ng kagawaran, kaya mas pipiliin niya lamang na pumasok na lamang sa programang early retirement ang mga sangkot na opisyal at kawani.

Bagama’t walang ibinigay na detalye si Singson kaugnay sa mga kasong isinampa at isasampa laban sa mga tiwaling opisyal at empleyado ng kagawaran, sinabi naman ni Singson na mas nanaisin pa niyang magtrabaho na lamang at hayaan ang legal service ng ahensiya ang mag-asikaso sa mga kasong katiwalian.

Kabilang sa mga sinibak na sa puwesto ay sina Director Burt Favorito, hepe ng of DPWH-Administrative and Manpower Management Services at Director Florendo Arias ng Bureau Equipment.

Napatunayan ng Ombudsman na nagkasala sa anti-graft and corrupt practices act sina Favorito at Aries matapos nakawan ng mga ito ang kaban ng kagawaran ng mahigit sa P4 milyon.

Inihayag din nito na ipatutupad ng kagawaran ang programang ‘early retirement’ o maagang pagreretiro para sa mahigit 4,500 opisyal at empleyado ng tanggapan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply